Kasinungalingan ng 8th ID
Walang tigil ang paghahabi ng AFP ng gawa-gawang mga kwento para bigyang katwiran ang kampanyang kontra-insurhensya nito sa panahon ng pandemyang Covid. Isa sa pinakamalaking kasinungallingan nito ang pahayag ng 8th ID na “nang-agaw” ang mga Pulang mandirigma ng ayuda sa Sityo Bangon, Guinmaayohan sa Balangiga, Samar noong Abril 7.
Pinabulaanan mismo ng mga upisyal ng bayan ang kasinungalingang ito. Ayon sa ulat ng Eastern Samar News Service noong Abril 11, mismong mga upisyal kabilang ang meyor, upisyal na namahagi ng ayuda at maging ang hepe ng pulis ang nagsabing walang naganap na gayong insidente.
Sa kabila nito, ipinilit pa rin ng 8th ID ang kwento. Noong Abril 13, binraso nito ang lokal na gubyerno ng Balangiga ng resolusyon na nagkundena sa aksyon ng BHB. Gayunpaman, tumanggi ang mga upisyal dito sa ipinipilit ng militar na “namwersa” o “nagnakaw” ang mga Pulang mandirigma at sinabing “kumuha” lamang ang mga ito ng relief goods.
Samantala, ginagamit ng AFP bilang sangkalan sa kontra-insurhensya ang pamimigay ng ayuda. Sa Sorsogon, iginiit ng 31st IB na umookupa sa isang barangay sa Bulusan na sila ang mamahagi ng mga relief goods na nakalap ng mga upisyal ng barangay. Binalak ng mga sundalo na kunan ng litrato ang mga benepisyaryo at palabasing mga sundalo ang tumutulong. Tumanggi ang mga upisyal ng barangay na ibigay ang naipong ayuda at sa halip ay kinumpronta ang mga sundalo.
Kabaligtaran ang naganap sa Bukidnon. Sadyang hindi binigyan ng ayuda ang 25 barangay at komunidad ng Lumad sa Cabanglasan at San Fernando dahil itinuturing ang mga ito ng AFP na mga base ng BHB. Bago ang pandemya, ginamit ng NTF-ELCAC ang mga lugar na ito bilang “showcase” ng programang E-CLIP. Sa halip na ayuda, dagdag na paghihigpit ang ipinatupad ng mga sundalo sa lugar.