Madugong sigalot dulot ng ekspansyon ng plantasyon
Pang-aagaw ng isang dambuhalang agribisnes sa lupain ng mga magsasakang Tiruray at Moro ang sanhi ng madugong sigalot sa barangay Kalamongog sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat.
Umabot sa isang libong residente ng barangay ang lumikas dahil sa pagsiklab ng labanan noong Marso. Sa halip na ayuda, mga pwersa ng 6th IB at PNP ang ipinadala sa lugar para tiyakin umano ang seguridad dito. Nangyari ito sa gitna ng krisis na kinakaharap sa panahon ng lockdown.
Tumindi ang sigalot sa lugar dahil sa panghihimasok ng Lapanday Foods Corporation, isang higanteng kumpanyang pag-aari ng pamilyang Lorenzo. Malaking burgesya kumprador ang pamilyang Lorenzo at kilala sa kanilang pakikipagmabutihan sa sinumang nasa poder. Mahigit isang taon na buhat nang umpisahan ng kumpanya ang operasyon ng plantasyon ng saging nito sa nasabing lugar. Nilinlang ng kumpanya ang ilang mga residente na ibenta o kaya’y paupahan ang kanilang mga lupa kapalit ng halagang matatanggap at pangakong trabaho. Pero hindi lahat ay nakumbinse at may ilang malalaking pamilya ang tumutol sa pagpasok ng plantasyon.
Nagtalaga ang plantasyon ng mga armadong gwardya na suportado ng AFP. Binigyan din ng trabaho ang ilang pumapabor sa kanilang operasyon. Inudyukan ang mga ito ng kumpanya para bawiin ang mga lupaing matagal nang sinasaka ng ilang tumututol bilang bahagi umano ng kanilang inaangking lupang ninuno.
Nagtagumpay ang kumpanya na pag-away-awayin ang mga residente. Mas tumindi pa ang gulo matapos paslangin noong nakaraang taon ang noo’y kapitan ng barangay na si Diosdado M. Eleazar na kilalang tumututol sa pagpapalawak ng plantasyon. Inilahad ng mga residente na mga armadong maton ng kumpanya ang may kagagawan ng krimen subalit walang ginawa ang lokal na pamahalaan at PNP para hulihin at panagutin ang mga salarin.
Humalili sa pwesto ang unang kagawad na si Hairudin Tato Gubel na isa ring kritiko ng plantasyon. Siya rin ay pinaslang ng mga maton ng kumpanya noong Marso 17. Humalili bilang pansamantalang pinuno ng barangay si Nolasco Zamora Ado, isang tauhan ng kumpanya.
Pinalalabas na labanan umano ng mga angkang Tiruray at Moro ang nagaganap sa Kalamongog. Sa isang interbyu sa radyo, mariing ibinintang ni Nolasco Ado, OIC ng barangay, sa mga kamag-anak ni Hairudin Tato Gubel ang insidenteng pamamaril noong Marso 25 sa Sityo Kiatong. Iginiit din niyang pulitikal ang motibo ng nangyayaring kaguluhan.
Nababahala ang mga magsasaka rito na kung titindi pa ang sigalot ay mapipilitan silang lumikas at tiyak na tuluyan nang makukuha ng kumpanya ang kanilang lupa.