Pag-iingat, mainam na paghahanda laban sa Covid-19 sa kanayunan
Madaling kumakalat ang Covid-19 sa mga syudad kung saan siksikan at mahigpit ang ugnayan ng mga tao. Subalit hindi malayong kumalat din ito kalaunan sa mga komunidad sa kanayunan. Ito ay dahil sa paglabas-masok ng mga magsasaka para magbenta ng kanilang produkto o bumili ng kanilang pangangailangan. Pumapasok rin ang mga namumuhunan at mga nagtatrabaho sa mga minahan, plantasyon at iba pang empresa.
Sa isang banda, tinataya ng mga eksperto na hindi magiging kasimbilis ang pagkalat ng Covid-19 sa kanayunan kumpara sa mga syudad dahil mababa ang antas ng konsentrasyon o pagsisiksikan ng mga tao sa kanilang mga lugar. Sa kabilang banda, magiging mas mahirap at posibleng mas nakakamatay ito dahil malayong mas atrasado at limitado ang mga pasilidad pangkalusugan dito. Payo nila, ang pinakamainam na paghahanda para sa pandemya ay ang pagsunod sa inilatag nang mga hakbang ng mga institusyong medikal. Kabilang dito ang pananatili ng personal na kalinisan, pagmantine ng tamang agwat sa isa’t isa, pag-iwas sa matataong lugar at sa mga taong nahawa na, pagkonsulta sa duktor o manggagawang pangkalusugan kung nakararanas ng mga sintomas, at palagiang pagsubaybay sa mga pangyayari sa lokal at bansa.
Pero liban dito, kailangan ding ihanda ang imprastrukturang pangkalusugan sa mga baryo. Kabilang dito ang pagtitiyak ng sapat na suplay ng gamit at gamot, pagsasaayos ng angkop na pasilidad, pagsasanay ng mga mangagawang pangkalusugan at paglalatag ng maayos na sistema ng komunikasyon.
Sa ngayon, limitado, kung meron man, ang suplay at mga gamit para sa anumang epidemya o sakuna sa kanayunan. Lahat ng kinakailangang kagamitang medikal tulad ng mga face mask at iba pang personal protective equipment, disinfectant at iba pa ay manggagaling sa mga syudad na una nang dumanas ng kasalatan. Lalong walang suplay sa mga baryo ng mga gamot na maaaring gamitin sa mga pasyenteng nagpositibo.
Limitado rin ang kasanayan ng mga manggagawang pangkalusugan. Ayon sa estadistika ng estado, sa abereyds ay isang duktor lamang ang nakatoka sa isang health center, katuwang ang abereyds na dalawang nars at limang kumadrona para sa lahat ng barangay sa isang bayan. Madalas na mga nars o kumadrona ang tumatao sa mga health center sa barangay para magbigay ng pinakabatayang serbisyo sa mga buntis, maliliit na bata at matatanda. Walang programa para sanayin sila para makatuwang sa malawakang testing o screening, monitoring at contact tracing, at serbisyo sa mga isolation unit.
Wala sa kalahati ng lahat ng barangay sa bansa ang may health center. Noong 2017, nasa 20,216 lamang ang mga health center sa buong Pilpinas. Sa mga mayroon, kulang na kulang ang mga pasilidad. Wala itong mga kama para sa mga nagkakasakit. Wala ring naitatayong mga isolation unit para sa kakailanganing pagbubukod sa mga pasyenteng may nakahahawang sakit. Malayo, at madalas walang angkop na sistema ng transportasyon, patungo sa mga ospital, klinika at laboratoryo.
Problema rin ang sistema ng komunikasyon at ang kagyat na pagpapaabot at pagpapalaganap ng angkop na impormasyon. Kumakalat ang maling impormasyon na madalas nababahiran ng pulitika, haka-haka o di-syentipikong mga lunas.