Pagdurusa ng mala-proletaryo sa lockdown
“Dalawa lang papatay sa amin: gutom o ‘yung virus. Mauuna pa ‘ata kaming mamatay sa gutom.”
Lagpas isang buwan na mula unang ipatupad ni Rodrigo Duterte ang militaristang lockdown sa Luzon. Sa panahong ito, tuluy-tuloy na lumaki ang bilang ng mga kaso ng mga nagpositibo sa COVID-19. Noong Abril 20, umabot na sa 6,459 ang nahawa ng sakit, habang 428 na ang namatay dahil dito.
Bukod sa krisis pangkalusugan, pagkalam ng sikmura ang pangunahing idinadaing ng mamamayan sa ilalim ng lockdown. Nangako si Duterte na mamigay nang hanggang P8,000 sa 18 milyong pamilya sa ilalim ng Social Amelioration Program.
Isa sa mga sektor na pinakahirap sa lockdown ang mala-proletaryo sa kalunsuran. Sila ang nakatira sa siksikang mga lugar at nagdurusa sa kulang na mga serbisyong panlipunan.
Sila rin ang manggagawang walang permanenteng kabuhayan at walang tiyak na kita tulad ng mga manininda, drayber, barker sa dyip, labandera at iba pa. Tulad ng mga manggagawang “no work no pay,” hindi nila tiyak kung paano nila maitatawid sa bawat araw ang kanilang pamilya gayong gipit ang kanilang kabuhayan. Sa ngayon, nakararaos lamang sila dahil sa malasakit at tulong ng mga indibidwal, grupo at institusyon.
Emar, pintor
Isang pintor ng bahay si Emar, 39 taong gulang, ng isang kumpanya sa konstruksyon sa Metro Manila. Nabubuhay si Emar sa sahod na P555 kada araw. Aniya, relatibong maayos at makatao ang kasalukuyan niyang kumpanya dahil nagbibigay ito ng subsidyo. Gayunpaman, hirap siyang pagkasyahin ito.
“Mahirap, mahirap pa rin kahit sa panahon ngayon. Iba yung kikitain mo sa alawans mo na natatanggap…[hindi napupunan] yung pangangailangan ko. Iba pa rin yung malaya akong makakapunta at makakapagtrabaho nang wala yung ganitong sakuna.”
Mula sa minimum na P555 kada araw ay P1000 na alawans na bigay ng kumpanya ang pinagkakasya ni Emar kada linggo. Hindi siya kasali sa mabibigyan ng ayuda mula sa estado, dahil wala siya sa listahan ng “pinakamahirap sa mahirap” ng Department of Social Work and Development.
Alinsunod sa unang mga alituntunin ng ahensya, hindi kasali sa bibigyan ng ayuda ang mga pamilyang may isang myembrong nagtatrabaho. Iisang pamilya rin lamang ang bibigyan bawat isang bubong, kahit pa 2-3 pamilya ang nakatira rito.
Ayon pa kay Emar: “Dapat sana maibigay [yung Social Amelioration Program] sa mga nangangailangan. Kasi ako, kahit may trabaho ako, kailangan ko rin ‘yun. Sana hindi nila piliin. Kailangan kung anong sinabi, ‘yun din ibigay nila sa tao. Kasi kung hindi ganito ang nangyayari, ba’t naman namin kukunin ‘yun, sila naman ang nag-declare ‘nun. Kasi kung maayos ang panahon, di mo kailangan makipagtalo dyan sa P8,000, P5,000 na ‘yan.”
Joel, 35, drayber ng dyip
Labis ding apektado ang kabuhayan ng drayber ng dyip na si Joel, 35 taong gulang. May asawa at tatlong anak si Joel. Ang bunso niya ay anim na buwan pa lamang. Sa kanyang 19 oras na pamamasada, kadalasang kumikita siya ng P2,000, bago ibawas ang P1,000 na bawnderi o upa niya sa opereytor o may-ari ng dyip.
Sa ilalim ng lockdown, walang kita si Joel dahil bawal bumyahe ang mga pampublikong sasakyan. Hindi rin siya makauwi sa pamilya niya sa Pampanga dahil sarado ang mga hangganan, wala siyang masakyan at wala rin siyang pamasahe. Natutulog na lamang siya sa nakagaraheng dyip ng kanyang opereytor. Dinadalhan siya ng kanyang opereytor ng pagkain araw-araw at nakakatanggap din siya ng tulong mula sa mga nagmamalasakit. Pero hindi nakasasapat ang mga ito dahil mayroon siyang pamilyang kailangang buhayin. Wala pa siyang natatanggap na ayuda mula sa lokal na gubyerno dahil hindi siya botante sa lugar. Aniya, “nakarehistro kami sa LTFRB pero wala pang binibigay na ID para malagay (ako) sa listahan ng mga benepisyaryo.”
Para makaiwas sa sakit, hindi lumalabas si Joel sa garahe at nananatili siya sa loob ng kanyang minamanehong dyip. Tanging face mask ang kanyang inaasahang proteksyon. Giit ni Joel kay Duterte: “Bigyan ng suporta ang mahihirap ‘tsaka tiyakin ang kabuhayan sa panahon na may kumakalat na sakit.”
Nasaan ang ayuda?
Alinsunod sa ulat na ilabas ni Duterte noong Abril 20, nasa 4 na milyon pa lamang sa 18 milyong maralitang pamilya ang nabigyan ng subsidyo sa ilalim ng Social Amelioration Program. Mayorya (3.7 milyon) sa kanila ay dati nang nakatatanggap ng subsidyo sa ilalim ng programang 4Ps. Dahil sa magulo, pahirap at mabagal na proseso ng distribusyon, mahigit 600,000 (4.5%) pamilya pa lamang sa target na 13.5 milyong pamilyang hindi benepisyaryo ng 4Ps ang nakatatanggap ng ayuda. Halos hindi nagbago ang bilang na ito kumpara noong nakaraang linggo. Noong Abril 17, nasa 2.3% pa lamang sa tinatayang 5 milyong mala-manggagawa sa kalunsuran ang nabigyan ng ayuda. Ito ay habang nasa 9% (40,400) sa 435,000 drayber ang nabigyan ng subsidyo.
Samantala, sinuspinde ng DOLE ang ayudang pinansyal nito sa mga manggagawa noong Abril 17 dahil naubos na diumano ang pondo. Sa 10.7 milyong manggagawa, 321,975 lang ang planong ayudahan ng DOLE, at 237,653 pa lang ang iniulat na nabigyan.
Lantad ang pagiging tuso at sinungaling ng rehimeng Duterte sa distribusyon ng pondo mula sa Social Amelioration Program. Sadyang pinahirapan nito ang mga maralita sa pamamagitan ng paghingi ng napakaraming rekisito. Imbis na pasimplehin ang proseso para sa mabilis at magaan na pamimigay ng pondo, ginigipit at sinisisi pa sila ng rehimen. Pang-aaresto at bantang pamamaslang ang sagot nito sa mga nagrereklamo.
Lampas 136,000 na ang sinita, pinarusahan o inaresto ng mga pulis dahil diumano sa paglabag sa mga alintuntunin ng kwarantina tulad ng curfew, iligal na “pagtitipon” at social distancing. Isang 68-anyos na lalaki ang binaril ng mga pulis sa isang tsekpoynt sa Agusan del Norte noong Abril 6 dahil sa pagsuway diumano nito sa lockdown.
Kontra-mamamayan ang militaristang lockdown. Ito ay dahil walang nakalatag na proseso para sa mabilis at masaklaw na pamimigay ng ayuda, walang serbisyong medikal para sa lahat, at walang mass testing. Dahil din sa mga kundisyong si Duterte mismo ang lumilikha ng dagdag na kagipitan, hindi malayong babangon mga mala-manggagawa tulad nina Emar at Joel para patalsikin siya sa pwesto.