Pananalasang militar sa Kabundukang Pantaron
Walang kinilalang pandemya at tigil-putukan ang 10th ID ng Armed Forces of the Philippines sa pasistang kampanya nito sa kabundukan ng Pantaron sa Mindanao. Mula Marso 24 hanggang Abril 1, naglunsad ng malawakang operasyong kombat ang dalawang batalyon nito (60th at 56th IB) sa magkanugnog na mga sityo at barangay ng Lumad sa hangganan ng Agusan del Sur, Bukidnon at Davao del Norte.
Noong Marso 24, bandang alas-6 ng umaga, inunahan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bukidnon ang mga tropa ng 56th IB na pumasok sa kagubatan malapit sa Barangay Mandahikan sa Cabanglasan, Bukidnon para salakayin ang pansamantalang himpilan ng mga Pulang mandirigma. Marami ang namatay na mga sundalo dulot ng pinaputok na command-detonated explosive ng BHB. Sa galit ng militar, binomba ng 10th ID ang paligid ng barangay gamit ang FA-50 bandang alas-7 ng umaga. Apat na rocket at isang bomba ang pinakawalan ng fighter jet. Sinabayan ito ng ng apat na beses na pambobomba ng mga kanyon na nakapwesto sa Loreto, Agusan del Sur. Pagsapit ng alas-10:30 ng umaga, muling naunahan ng BHB ang yunit ng militar na sumaklolo sa unang grupo. Mula ala-una kinahapunan, nagsimulang umulan ang bala ng kanyon sa paligid ng mga komunidad. Bumagsak ang mga bomba nang 330-400 metro kalayo sa mga komunidad at nagdulot ng matinding takot sa mga bata.
Muling binomba ng AFP ang lugar noong Marso 27. Sa loob ng isang oras, nagpakawala ito ng apat na rocket at 10 bala ng kanyon. Nagdagdag ito ng anim pang kolum ng tropa na ihinatid ng mga helikopter. Tatlo pang rocket at tatlong bala ng kanyon ang pinakawalan.
Sinaklaw ng operasyong kombat ang Sityo Mindao, Barangay Manggaod at mga sityo ng Umayan at Magemon sa Barangay Mandahikan, Cabanglasan, Bukidnon; Sityo Tapayanon, Barangay Gupitan, Davao del Norte; at isa pang komunidad sa Loreto, Agusan del Sur.
Higit isang-taong pagdurusa sa ilalim ng 10th ID
Matagal nang militarisado ang bahaging ito ng Pantaron. Noong Marso 2019, pinalabas ng 60th IB ang komunidad ng Tapayanon bilang “bagong diskubreng tribu” na “hindi pa kailanman naabot ng gubyerno.” Hindi bale nang ilang taon nang naglalabas-masok dito ang mga tropa ng 67th IB, at regular itong hinahalihaw ng grupong paramilitar na Alamara. Katunayan, pinatay ng Alamara ang datu ng sityo na si Lorendo Pocoan noong Pebrero 4, 2017.
Pinalabas ng 10th ID ang Tapayanon bilang “bagong diskubre” para gamitin itong “showcase” ng Regional Task Force-End Local Communist Armed Conflict. Sunud-sunod na pinuntahan ng mataaas na upisyal militar at myembro ng gabinete ni Duterte ang sityo para magpakuha ng litrato. Namudmod dito ng pagkain, pera at proyekto ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno, kapalit ng “pagsurender” ng mga residente at pagsalong ng kanilang mga gawang-bahay na armas.
Bago pasukin ang erya, binomba at kinanyon ng mga pwersa ng 10th ID ang magkakanugnog na sityo para tiyaking mamayani ang takot sa mga naninirahan dito. Sa ulat ng mga residente, umabot sa 10 bomba at di mabilang na bala ng kanyon ang ipinaulan dito sa panahong iyon. Pinasok ng 200 sundalo ang sityo at hinimpilan ang gitna ng kabahayan. Ilang pamilya ang nagbakwit dahil dito. Hanggang noong Enero, 35 pang pamilya (169 indibidwal) ang hindi pa nakababalik sa sityo at nananatili sa harap ng kapitolyo sa Malaybalay City. Dating bahagi ng Cabanglasan ang Tapayanon.
Mula noon, ipinailalim na ng 10th ID sa permanenteng lockdown ang sityo. Pinigilan ng mga sundalo ang 105 pamilyang nakatira rito (525 indibidwal) na lumabas sa lugar kahit para bumili ng kanilang mga pangangailangan. Pwersahang “pinasurender” ang buong komunidad, kahit ang mga bata na pinalabas nilang mga “batang mandirigma.” Hindi pinayagang pumunta sa kanilang mga abakahan ang mga magsasaka, dahil “magsusumbong” lamang daw sila sa BHB. Pwersahan nilang pinapipila sa harap ng detatsment kada Sabado ang mga babaeng Lumad, may-asawa man o dalaga, para pagpilian at gahasain. Sa matagal nilang okupasyon ng sityo, maraming binuntis ang mga sundalo at maraming pamilya ang kanilang winasak. Pinaroronda nila ang mga lalaking Lumad at ginawang mga alipin sa kampo militar bilang tagakuha ng panggatong, taga-igib at gwardya sa gabi. Pinagsusuot nila ang mga ito ng unipormeng sundalo at pwersahang nirekrut sa CAFGU.