Pang-aaresto, pambobomba sa panahon ng krisis ng Covid-19
Kahit sa panahon ng krisis pangkalusugan dulot ng pagkalat ng Covid-19, walang tigil ang mga pwersa ng estado sa mga paglabag sa karapatang-tao. Nitong Abril 6-19, hindi bababa sa 19 magsasaka ang inaresto sa iba’t ibang bahagi ng bansa. May isang magsasaka ang pinatay, samantalang isang komunidad sa Mindanao ang binomba sa mga araw na ito.
Nagulantang ang mga residente ng Sityo Kapanal, Barangay Gasi sa Kiamba, Saranggani noong alas-5 ng umaga, Abril 19, nang biglang maghulog ng hindi bababa sa apat na bomba ang isang eroplanong pandigma ng AFP malapit sa kanilang komunidad. Nagdulot ito ng dagdag na takot sa mga residente lalupa’t okupado ng 27th IB ang kanilang sityo. Matagal nang hinahalihaw ng mga tropa ng AFP ang Gasi at kalapit na mga barangay. Sa kasalukuyan may 300 tropa ng AFP sa lugar. Saklaw ng plantasyon ng Lapanday Corporation ang Kiamba at mga karatig nitong bayan.
Sa Miag-ao, Iloilo, pinatay ng 61st IB noong Abril 18 si John Farocillin, tagapangulo ng Alyansa sang Mangunguma sa Miag-ao at myembro ng konseho ng Pamanggas. Susing lider si Farocillin sa mga pakikibaka ng mga magsasaka sa isla.
Bago nito, 12 sibilyan, kabilang ang limang menor de edad, ang inaresto ng mga elemento ng 61st IB noong Abril 14. Sila ay mga residente ng Barangay Igpanulong, Sibalom, Antique, na noo’y naghahanap ng pulot para maibenta. Pinabulaanan ng kumand ng BHB sa Southern Panay (Mt. Napulak Command) ang kasinungalingan sa isang engkwentro nadakip ang naturang mga sibilyan. Anito, walang naganap na sagupaan sa lugar.
Sa Butuan City, inaresto ng mga sundalo at pulis si Proceso Torralba sa Purok 3, Barangay Bonbon noong Abril 11. Si Torralba o Tatay Sisoy ay presidente ng Unyon sa Mag-uuma sa Agusan del Norte at tatlong dekada nang nakikibaka para sa kapakanan ng mga magsasaka. Kabilang si Toralba sa listahan ng mga indibidwal na inimbwelto ng AFP sa reyd ng mga Pulang mandirigma sa isang detatsment sa Agusan del Sur noong 2018. Sinampahan siya ng gawa-gawang kasong kidnapping at serious illegal detention.
Dalawang magsasaka rin ang dinakip ng mga pwersa ng estado sa Southern Tagalog at pinalabas na mga sumukong upisyal ng BHB. Inaresto sina Lamberto Asinas sa Barangay Bundukan, Nasugbu, Batangas noong Abril 16; at si Nomeriano Fuerte sa Barok Perlas sa Sityo Tagbakin, Magsaysay, General Luna, Quezon Province noong Abril 13.
Sa Nueva Vizcaya, inaresto ng mga pulis si Ronaldo Pulido, tagapangulo ng Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan noong Abril 6. Isinabay ang pang-aaresto sa pagbuwag sa barikada ng mga residente laban sa operasyong ng Oceanagold. Agad din siyang napalaya sa sumunod na araw dala ng pagiggiit ng kanyang mga kababaryo.