Petisyon para palayain ang mga bulnerableng bilanggong pulitikal, isinampa
Para itulak ang mabilisan at maramihang pagpapalaya ng mga bulnerableng bilanggong pulitikal sa panahon ng pandemyang Covid-19, nagsampa ng pormal na petisyon sa Korte Suprema ang kanilang mga kaanak noong Abril 8. Sa simula pa lamang ng pagkalat ng sakit, malakas na ang panawagang palayain ang mga bilanggo, kahit pansamantala, na may edad, may sakit, buntis at nagpapasuso. Sila ang pinakabulnerable sa nakamamatay na bayrus. Kabilang sa kanila ang 23 bilanggong pulitikal na nakadetine batay sa gawa-gawang mga kaso.
Imposibleng masunod ang “social distancing” sa mga kulungan dahil sa kalagayang matindi ang siksikan at limitado ang nakalaang gamit-sanitasyon. Sa kulungan ng mga bilanggong pulitikal sa Bicutan, nagsisiksikan ang 4-5 tao sa seldang may laking 2×4 metro. Hindi iilan sa kanila ang bulnerable sa sakit dahil may edad na at umiinda na rin ng iba’t ibang uri ng karamdaman. Kabilang dito ang mga kronikong karamdamang natukoy na madaling kapitan ng coronabayrus, tulad ng diabetes, hypertension at hika.
Lalo naging kahabag-habag ang kanilang kalagayan nang ipataw ni Rodrigo Duterte ang militaristang lockdown. Sa isang panahon, pinayagan pa ang mga pamilya ng mga detenido na magpadala ng pagkain at gamot na ipinapadala nila sa pamamagitan ng sasakyan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP). Kung maghihigpit pa ang estado, mahihinto ang serbisyong ito. Sa loob ng kulungan, dalawang beses lamang nakakakain ang mga bilanggo.
Hindi lahat ng mga bilanggo ay nabibigyan ng “mask.” Napakalaki ng posibilidad na magkahawahan ang mga bilanggo sakaling mayroon nang magkasakit ng COVID. Katunayan, siyam na bilanggo na ang nagpositibo sa sakit sa Quezon City Jail. Siyam pa ang pinagsususpetsahang nahawa rin at kinailangang ibukod.