PKP, pinalawig ang tigil-putukan
Iniutos ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) noong Abril 15 sa lahat ng kumand at yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng milisyang bayan ang pagpapalawig ng unilateral na deklarasyon nito ng tigil-putukan hanggang Abril 30. Ito ay para matiyak ang “mabilis at walang sagabal na pag-abot sa lahat ng mamamayang nangangailangan ng kagyat na tulong, suporta at hakbang medikal, pangkalusugan at pangkabuhayan sa harap ng malubhang kagipitang pampubliko bunga ng kasalukuyang pandaigdigang pandemyang Covid-19.”
Inianunsyo ang pagpapalawig sa kabila ng mga kahirapan at peligrong dulot ng patuloy na okupasyon at operasyon ng mga tropa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa kanayunan.
Kaugnay nito, sumulat ang National Democratic Front of the Philippines sa United Nations noong Abril 14 para ipaabot ang mga paglabag ng rehimeng Duterte sa tigil-putukan na idineklara nito noong Marso 16, at nagkabisa mula Marso 19 hanggang Abril 15.
Batay sa inisyal na mga ulat na natipon ng Ang Bayan mula Marso 16 hanggang Abril 14, nagsagawa ang militar at pulisya ng mga operasyong kontra-insurhensya sa 104 bayan at syudad, saklaw ang 219 barangay.
Nagresulta ang mga operasyong ito sa 14 na armadong engkwentro sa iba’t ibang panig ng bansa. Labintatlo rito ay mga reyd laban sa pansamantalang kampuhan ng mga yunit ng BHB. Tigtatlo ang naitala sa Quezon Province, Bukidnon at Zamboanga at dalawa naman sa Davao.
Pinakahuling kaso ang reyd ng mga elemento ng 67th IB sa mga Pulang mandirigma sa Mahan-ub, Baganga, Davao Oriental noong Abril 11. Isang araw bago nito, nagkaroon din ng engkwentro sa Barangay Cabas-an, Aroroy, Masbate sa Bicol matapos tangkain ng isang platun ng 2nd IB at PNP na tugisin ang tim ng BHB na noo’y katatapos lamang maglunsad ng kampanyang edukasyon hinggil sa Covid-19.
Pinakamarami ang naitala sa mga barangay sa Quezon Province (29) sa Southern Tagalog, kasunod sa Bukidnon (27), at Negros Occidental (25). Sa Masbate, 24 na barangay ang sinaklaw ng mga operasyong kontra-insurhensya ng militar at pulis.
Kalakhan sa mga sundalong pumapasok sa mga komunidad sa kanayunan ay mga taga-labas at hindi nagsusuot ng face mask. Sa Abra, inireklamo ng mga residente na laging naiistorbo ang kanilang pagtulog dulot ng gabi-gabing pag-iikot ng mga tropang militar sa loob at palibot ng pitong barangay sa bayan ng Malicbong.
Noong huling linggo ng Marso, niransak ng mga elemento ng 24th at 69th IB ang tinutuluyan ng mga maliitang minero sa Barangay Guinguinabang, Lacub, Abra. Sinunog ang kanilang mga kagamitan sa pagmimina. Sinunog din ng mga sundalo ang malaking bahagi ng kagubatan sa pagitan ng mga bayan ng Lacub at Malicbong. Ninakaw at kinatay din mga sundalo ang alagang baka ng mga magsasaka.
Inireklamo naman ng mga residente sa Negros Zamboanga Misamis Occidental ang pagpapasimuno ng mga sundalo ng sabong at inuman.
Sa ulat na isinumite ng BHB-Southern Tagalog noong Abril 15, inilahad nito na umaabot na sa 157 barangay ang saklaw ng mga operasyong militar sa buong rehiyon. Sa Quezon pa lamang, umabot na sa 105 barangay ang saklaw ng mga operasyong kontra-insurhensya sa prubinsya. Samantala, hindi bababa sa 13 barangay ang inooperasyon ng AFP sa Palawan.