Protestang manggagawa para sa sahod, katiyakan at proteksyon
LUMALAGANAP SA iba’t ibang bahagi ng mundo ang protesta ng mga manggagawa para sa dagdag na sahod, katiyakan sa trabaho at proteksyon sa kanilang mga lugar ng paggawa. Ito ay sa gitna ng mga balita ng pagkalat ng Covid-19 sa mga pagawaan at negosyo na nananatiling bukas kahit nananalasa ang pandemya.
Sa US, nagprotesta ang mga manggagawa ng Amazon, Wholefoods at Instacart noong Marso para igiit na bigyan sila ng makatarungang sahod, dagdag na hazard pay at personal protection equipment. Pangunahing negosyo ng Amazon at Instacart ang pagbebenta at deliberi ng mga suplay diretso sa tahanan o upisina ng mga mamimili. Tumatabo ang mga ito ng bilyun-bilyon ngayong nakapailalim sa kwarantina ang sangkatlo ng mamamayan sa mundo. Ang Wholefoods ay isang malaking tindahan ng pagkain na pag-aari rin ng Amazon. Lahat sila ay klasipikadong “esensyal” na negosyo at pinayagang manatiling bukas sa panahon ng pandemya. Libu-libo pang ibang manggagawang Amerikano ang nagsagawa ng sama-samang mga pagkilos para igiit na bigyan sila ng angkop na proteksyon matapos maisapubliko na marami nang mga mangagagawa ang namatay dahil sa Covid-19.
Nagkaroon din ng pagkilos sa bodega ng Amazon sa Italy at mga kumpanyang US sa Mexico. Sa Brazil, nagwelga ang mga duktor at nars para hilingin ang angkop na gamit pamproteksyon. Ito rin ang giit ng nagpuprotestang mga manggagawa sa India, Burma at Australia.