Sinasamantala ni Duterte ang Covid-19 para ipataw ang pasistang diktadura
Sinasamantala ng rehimeng Duterte ang krisis ng pandemyang Covid-19 upang lalong palawakin ang kapangyarihang diktador at pahigpitin ang kapit nito sa poder. Matapos bigong pigilan ang pagkalat ng bayrus gamit ang militaristang lockdown, nagbabanta ito ngayong gagamit ng batas militar at ipakat ang mga sundalo para ipailalim ang bansa sa “total lockdown” sa ngalan ng “pagpataw ng kaayusan.” Nagsisilbi ito sa nagpapatuloy na layunin ng rehimen na itatag ang isang pasistang diktadura.
Mahigit isang buwan na ang nakaraan nang unang ipinatanggap sa mamamayang Pilipino ang kwarantina at lockdown bilang hakbang para pabagalin ang pagkalat ng bayrus kapalit ang inaasahang maagap na mga hakbanging pangkalusugan at sosyo-ekonomiko. Subalit ang mga ito’y hindi ipinatupad nang maayos, sapat at matulin. Isang buwan mula nang ipataw ang lockdown sa Luzon at maraming bahagi ng Visayas at Mindanao, patuloy ang pagkalat ng Covid-19 sa bansa at paghawa sa paparaming tao. Milyun-milyong pamilya ang nagugutom, balisa at nangangamba sa hindi maayos na pamamalakad at pabagu-bago at padaskul-daskol na plano ni Duterte at kanyang walang-alam na mga heneral.
Bigo ang rehimen na ipatupad ang kinakailangang mga hakbangin para armasan ang pampublikong sistemang pangkalusugan na labanan ang pagkalat ng bayrus at bigyan ng ayudang sosyo-ekonomiko ang milyun-milyong pamilyang nagdusa sa lockdown. Bulagsak at burara ang plano ng mga ahensya ng gubyerno sa pagharap sa krisis.
Wala pa itong hakbang para sa sistematikong mass screening at testing sa populasyon, na pinakaimportanteng sangkap sa paglaban sa pandemya. Umaasa ito sa inisyatiba ng mga pribadong ospital, organisasyon at lokal na gubyerno. Hindi ito naglipat ng sapat na pondo para itayo ang bagong mga pasilidad, kumuha ng mga duktor at nars, magsanay ng mga manggagawang pangkulusugan at magtayo ng mga pabrika para magprodyus ng mga kagamitang pangkaligtasan at para sa mass screening at testing. Mga pulis at militar ang binigyan ng prayoridad sa “hazard pay” sa halip na mga nars at duktor.
Matapos na maghambog na mayroon siyang pera, sinasabi ngayon ni Duterte na walang pera ang gubyerno bilang palusot sa burukratiko, magulo at tinitipid na pondong pang-ayuda sa mamamayan. Kulang ang ipinamamahaging pondo. Pinakanagdurusa sa lockdown ang mga manggagawa at mala-proletaryo. Nagiging desperado na rin ang mga pamilyang may katamtamang kita dahil nauubusan na sila ng ipon. Dahil nauubos na ang tulong mula sa mga pribadong organisasyon, marami ang natutulak na suwayin ang mga paghihigpit sa hangaring kumita nang kahit papaano.
Ang tugon ng rehimen sa Covid-19 ay pinangungunahan ng mga upisyal militar, sa halip na eksperto sa kalusugan, kaya militarista ang pagharap sa krisis. Mabilis na dumarami ang nakapakat na mga pwersang militar sa National Capital Region. Ginagamit ng mga sundalo at pulis ang kapangyarihang batas militar para “ipataw ang kaayusan.” Ilampung libo na ang inaresto at idinetine sa paglabag sa kwarantina.
Kahit sa gitna ng krisis pangkalusugan, nagpakat ang rehimen ng libu-libong mga sundalo sa kanayunan para paigtingin ang kontra-insurhensya at maglustay ng daan-daang milyong piso sa magastos na mga operasyong pangkombat, pambobomba, saywar at paggamit ng mga drone. Umiikot sa kanayunan ang kanyang mga sundalo na walang pag-iingat sa kalusugan, at isinasapeligro ang ngayo’y di pa nahahawang mga baryo. Tulad sa syudad, nagtsetsekpoynt sila sa mga pambansa at pamprubinsyang kalsada.
Kailangang kailangan ang mga reporma sa ekonomya pero pinili pa rin ng gubyernong panatilihin ang mga patakarang neoliberal na dahilan bakit kulang ang pondo sa kalusugan at mga serbisyong panlipunan. Nagtengang-kawali ito sa sigaw para isuspinde ang pagbabayad-utang, at sa halip ay nagpaplanong muling humiram, ilubog lalo ang bansa sa utang at kalauna’y maningil ng dagdag pang buwis.
Para palakasin ang kanyang paghaharing awtoritaryan at bigyang-matwid ang planong magpataw ng dagdag na malupit na hakbangin, sinisisi ng rehimeng Duterte ang mamamayan sa pagkalat ng sakit, pinupuntirya ang ilang “pasaway” para tuligsain ang lahat liban ang sarili nitong mga pagkakamali, kabiguan at kahinaan. Tahasan na ang pagsisinungaling ni Duterte, sa pagsasabing matagal na raw niyang nakita ang mangyayari kaya raw maaga niyang ipinataw ang lockdown para pigilang kumalat ang sakit.
Subalit alam na alam ng lahat na tumanggi ang gubyernong Duterte sa hinihingi ng bayan noon pang Enero at Pebrero na isara ang bansa sa China kung saan nagsimula ang bayrus. Huling-huli nang ipinataw sa Luzon ang lockdown na walang kaakibat na hakbangin para tukuyin at ikulong ang bayrus, at malala pa, walang sapat na suportang panlipunan para ayudahan ang malawak na masa sa panahon ng krisis.
Sinisindak ni Duterte ang bayan para paniwalain silang magagapi ang bayrus sa kanyang “sumunod lang kayo” na doktrinang diktador. Sinasamantala niya ang takot sa bayrus para paluhurin ang mga tao sa kanyang awtoridad, at lumpuhin sila sa utos na “magkulong sa bahay.” Kung nawawala ang takot sa bayrus dahil sa desperasyong maghanapbuhay, magbabanta at gagamitin naman ni Duterte ang takot ng mga tao sa kanyang duguang rekord.
Dahil walang malawakang screening, testing at contact tracing, kahit pa may lockdown at mga tsekpoynt si Duterte, patuloy na kumakalat ang di natataluntong bayrus at ngayo’y nagbabantang lumaganap sa siksikang mga komunidad sa kalunsuran. Ligtas pa sa ngayon ang mga tao sa kanayunan, laluna sa mga liblib na komunidad, subalit maaari rin silang maramihang mahawa kung di pa rin matitiktikan ng gubyerno ang bayrus.
Ang pagsuot ng face mask, ang paglalayu-layo, tamang paglilinis at sanitasyon ay mga kailangang hakbang para iwasan o pabagalin ang pagkalat ng bayrus. Subalit epektibo lamang na mapipigil ang pagkalat nito sa pamamagitan ng mass screening at testing, mahigpit na contact tracing o pagtalunton sa mga taong nagkaroon ng kontak sa nahawa at masugid na paghihiwalay at pagbubukod sa kanila. Sa ganoon lamang mapuputol ang kadena ng paghahawaan ng sakit.
Pinatutunayan ng karanasan ng South Korea, Vietnam, Venezuela, Cuba, Canada, Iceland at iba pang bansa na makokontrol o mapababagal ang pagkalat ng bayrus sa pamamagitan ng pagtiktik at paghihiwalay, kahit wala ang lubhang paghihigpit laban sa pagbyahe o pagtatrabaho, at lalo na, kahit wala ang lubhang mapanupil na paggamit ng militar at pulis para obligahing sumunod ang mga tao sa mga hakbanging pangkalusugan.
Mahigit 6,200 ang nahawa ng Covid-19 sa Pilipinas, kaya relatibong malala na ang inabot ng pagkalat nito sa bansa. Kaya kailangang-kailangan na ngayon na isagawa ang malawakang screening at testing at contact tracing. Kailangan nito ang pagpapakilos, pagsasanay at pagbibigay ng kagamitan sa puo-puong libong manggagawang pangkalusugan upang galugarin ang mga komunidad, pabrika, paaralan at iba pa. Dapat pakilusin at pakinggan ang siyentipikong komunidad upang isagawa sa paraang sistematiko at mabilis ang kampanyang ito. Dapat itatag ang makinaryang ito sa tulong ng mga lokal na gubyerno, mga organisasyong sibiko at relihiyoso at mga organisasyong masa. Dapat may bukas na konsultasyon at ang lahat ay dapat hikayating ubos-kayang gawin ang lahat para mahinto ang pagkalat ng bayrus.
Kapuri-puri na sinuway ng ilang mga upisyal ang utos ng mga heneral ni Duterte sa pagsasagawa ng malawakang testing, contact tracing, pagluluwag ng kwarantina at pamamahagi ng ayuda. Subalit mawawalan ng saysay ang mga ito kung hiwa-hiwalay ang kanilang pagsisikap. Dapat may inisyatiba sa ibaba, habang may pondo, tulak at koordinasyon mula sa itaas.
Sa madaling salita, upang talunin ang Covid-19, dapat payabungin, hindi patayin, ang demokrasya. Hindi malilipol ang Covid-19 ng anumang tiraniya ni Duterte. Taliwas dito, kung walang malawakang testing at contact tracing para taluntunin at ihiwalay ang mga nagdadala ng bayrus, ang paghihigpit sa lockdown at kwarantina ay mga bulag na hakbang na sa kadulu-duluha’y pawang mga pasistang mekanismo para supilin ang demokrasya.
Sa harap ng nagpapatuloy na kabiguan ng rehimeng Duterte na kontrolin ang pagkalat ng Covid-19, tungkulin ng sambayanang Pilipino na mas aktibong igiit sa gubyerno na isagawa ang mass testing at contact tracing at tutulan ang walang takdang pagpapalawig ng military lockdown at mga tsekpoynt na lumikha ng di na mabatang makataong krisis.
Kasabay nito, dapat nilang itulak ang kagyat at sapat na suportang panlipunan sa anyo ng pamamahagi ng pondo. Maaari nilang itulak ang gubyerno na maglaan ng sapat na pondo para bigyan ang bawat pamilya ng katumbas ng takdang minimum na arawang sahod. Hinihingi ng sambayanang Pilipino na managot si Duterte at kanyang mga busalsal na heneral sa bigong pagharap sa Covid-19. Kung di tutugunan ang mga hinihingi ng bayan, lalong magagatungan ang kanilang sigaw para sa pagbibitiw ni Duterte o para sa kanyang pagpapatalsik sa pamamagitan ng direktang demokratikong aksyon ng mamamayan.
Sa gitna ng lockdown, mga kahirapang ekonomiko at kulang na suportang gubyerno, dapat ipagpatuloy ng mga organisasyong masa ang pagtutulungan sa kanilang mga komunidad, palakasin ang pagkakaisa ng mga tao upang sama-samang pangibabawan ang krisis sa kabuhayan at kalusugan. Maaari nilang ipagpatuloy ang sama-samang paghahanda ng pagkain, kolektibong pagbili ng suplay, kooperatibang tindahan, paggawa ng mga face mask para sa komunidad, at pagtipon ng rekurso sa pamamagitan ng donasyon at iba pang paraan. Dapat tukuyin nila at bigyan ng suporta ang mga nangangailangan ng dagdag na tulong tulad ng mga nakatatanda at may sakit, mga buntis, mga single parent at iba pa.
Dapat igiit ng mga unyon ng mga manggagawa na bayaran sila ng katumbas ng gastos nila sa buwan sa panahon ng lockdown. Dapat igiit ng mga manggagawa sa mga pabrika, restawran, mga tindahan, botika at iba pang empresa ang kaligtasan sa kanilang pinagtatrabahuan para proteksyunan sila laban sa Covid-19. Dapat igiit ng mga kontraktwal ang patuloy nilang pagtatrabaho at segurdad sa empleyo.
Dapat igiit ng mga manininda sa palengke, kabilang ang mga may-ari ng maliliit na tindahan, ang mas mababang upa sa kanilang mga pwesto. Dapat igiit ng mga magsasaka ang subsidyo ng estado para bilhin ang palay at iba pang produktong bukid para iligtas sila sa pagkalugi at upang di sumirit ang mga presyo. Dapat igiit ang mas malaking pondo para sa mga lokal na gubyerno upang makatugon sa mga kahilingan at pangangailangan ng kanilang mga sakop.
Tinatawagan ng Partido ang lahat ng komite nito sa mga syudad na patuloy na magpalakas at magkonsolida, at gabayan at pamunuan ang bayan at ang kanilang mga organisasyon sa pagharap sa krisis.
Sa kanayunan, tinatawagan ng Partido ang Bagong Hukbong Bayan na bigyang prayoridad ang pagresponde sa pangangailangang pangkalusugan at pang-ekonomya ng bayan. Ang pagpapalawig ng tigil-putukan bilang tugon sa panawagan ng United Nations para sa pandaigdigang tigil-putukan ay nagbibigay sa lahat ng yunit ng BHB ng oportunidad na palawakin ang naabot ng kanilang kampanya sa pampublikong kalusugan para tulungan ang masang magsasaka na pigilan ang pagkalat ng Covid-19 at paghandaan ang posibleng mga pagkahawa ng mga tao sa kanilang mga baryo. Dapat ituloy ang pagbibigay impormasyon, kasabay ng pagsasanay sa komunidad sa screening, paghahanda ng mga kinakailangang pasilidad at kagamitan para sa paghihiwalay at pag-alaga sa maysakit, at transportasyon para maghatid sa mga ospital sa syudad. Dagdag pa, dapat nilang tulungan ang masa na isulong ang mga pakikibakang antipyudal at para itaas ang produksyon sa harap ng nakaambang pagbulusok ng ekonomya.
Kasabay nito, dapat manatiling mataas ang alerto ng BHB sa harap ng pinaigting na mga operasyon ng AFP. Habang pinananatili ang mahigpit na paglilihim upang di matukoy ng kaaway, dapat handa silang makipaglaban sa mga pasistang pwersa na determinadong pigilan ang hukbong bayan na magbigay ng suporta at serbisyo sa bayan.
Dapat sikapin ng mamamayang Pilipino na wakasan ang pagkalumpong dulot ng ipinataw na lockdown ng rehimeng Duterte. Dapat hanapin nila ang mga paraan upang ihatid ang kanilang boses at sama-samang kumilos. Dapat nilang pangibabawan ang takot sa bayrus, at basagin din ang teror ng paghaharing batas militar ni Duterte.