ABS-CBN, tuluyan nang ipinasara
Iniutos ng National Telecommunications Commission (NTC) ang pagsasara ng lahat ng programa ng kumpanyang ABS-CBN sa radyo at telebisyon matapos mawalan ng bisa ang prangkisa nito noong Mayo 5. Ang pagpapasarang ito ay pangalawa na sa kasaysayan ng istasyon. Ang una ay noong Setyembre 1972 sa ilalim ng diktador na si Ferdinand Marcos.
Nagulat ang mga mamamahayag ng istasyon dahil kapapangako lamang ni House Speaker Allan Peter Cayetano na palalawigin ang permiso nito hanggang Hunyo 2022. Gayunpaman, matagal nang pinag-initan ni Rodrigo Duterte ang istasyon, na aniya’y hindi tumanggap ng kanyang mga patalastas noong tumatakbo siya sa pagkapresidente. Noon pa nangako ang Kongreso na hindi na nito palalawigin ang prangkisa. Matagal nang bunyag sa publiko na nais bilhin ang istasyon ng isang kumpanyang Chinese na kasosyo ng kroni ni Duterte na si Dennis Uy. Itinaon ang pagsasara sa panahong nakapailalim sa “total lockdown” at nakaepekto na ang curfew sa barangay kung saan matatagpuan ang mga studio ng kumpanya.
Mariing kinundena ng iba’t ibang sektor ang pagpapasara sa istasyon. Nagpahayag ng kanilang protesta ang mga empleyado at artista ng ABS-CBN, mga organisasyon ng mamamahayag, abugado, manggagawa, negosyante at maging mga upisyal at ahensya ng gubyernong Duterte. Ayon sa Defend Jobs Philippines, sa halip na maglabas ng pansamantalang pahintulot sa kumpanya, pagtataksil sa mahigit 11,000 manggagawa ng ABS-CBN at kanilang mga pamilya ang ginawa ng NTC. Ayon sa National Union of Journalists of the Philippines, atake sa kalayaan sa pamamayahag ang pagsasara sa pinakamalaking kumpanya sa brodkas sa Pilipinas.
Tinukoy ni Marco Valbuena, Chief Information Officer ng PKP, na si Duterte ang nasa likod ng pagsasara ng network. “Animo’y hari, gamit ni Duterte ang tiranikong kapangyarihan para masunod ang kanyang kagustuhan. Nais niyang lahat na malaking negosyo ay lumuhod sa kanya at magbayad ng tributo,” ani Valbuena.