Duterte, pinabubuksan ang mga POGO
Pilit na binibigyang katwiran ng rehimeng Duterte ang muling pagbubukas ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO), mga online na pasugalang pinatatakbo ng mga Chinese, sa kabila ng lockdown nito na nagbabawal sa operasyon ng mga empresang “hindi esensyal” sa pagharap sa pandemyang Covid-19. Ang mga POGO ay tumutukoy sa mga pasugalang nagbibigay ng ekslusibong serbisyo sa dayuhang mga manunugal sa pamamagitan ng internet.
Pinalalabas ni Duterte at ng kanyang mga alipures gaya nina Finance Sec. Carlos Dominguez at Sen. Ronald dela Rosa na esensyal umano ang mga POGO sa paglikom ng pondo kahit pa notoryus ang mga ito sa hindi pagbabayad ng buwis. Sa ngayon, umaabot na sa P50 bilyon ang kabuuang utang na buwis ng mga opereytor ng POGO. Dagdag pa rito, nalantad din na pinamumugaran ng mga sindikatong Chinese ang industriya ng POGO sa bansa. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa Ang Bayan, Pebrero 21.) Kasalukuyang iniimbestigahan ng senado ang laganap na iligal na mga aktibidad sa mga POGO gaya ng money laundering, prostitusyon at marami pang iba.