Kulturang lockdown sa Pilipinas, isa sa pinakanakalalason—UN
Nagpahayag kahit ang United Nations (UN) ng pagkaalarma sa pagdami ng mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao sa iba’t ibang bansa kabilang ang Pilipinas. Noong Abril 30, inilahad nitong “lumitaw ang isang nakalalalasong kulturang lockdown laban sa pandemyang Covid-19 na labis na nakaaapekto sa mga pinakabulnerableng myembro ng lipunan.”
Inilabas ang pahayag isang linggo matapos manawagan si UN Secretary-General António Guterres sa mga gubyerno na “huwag gamitin ang pandemya sa paniniil, at kilalaning ang banta ay ang bayrus at hindi ang mamamayan.”
Ayon kay UN Director of Field Operations Georgette Gagnon, nangunguna ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamaraming inaresto kaugnay ng lockdown kung saan mahigit 120,000 na ang hinuli dahil umano sa “paglabag” sa curfew.
Iginiit ng UN na “ang pagbaril, pagdetine o pag-abuso sa sinumang lumabag sa curfew para lamang maghanap ng makakakain ay hindi katanggap-tanggap at hindi naaayon sa batas.” Ipinaliwanag nito na ang “karapatang mabuhay, karapatan laban sa tortyur at iba pang hindi makataong pagtrato, at karapatan laban sa arbitraryong detensyon” ay hindi nawawalan ng bisa kahit sa gitna ng lockdown.
Bago nito, binaril ng isang pulis ang retiradong sundalo na si Winston Ragos sa Quezon City noong Abril 21 dahil umano sa paglabag sa lockdown. Si Ragos ay may sakit sa pag-iisip. Noong Abril 20, nagkapasa ang likod ng isang 13-taong gulang na binatilyo matapos hampasin ng yantok ng isang pulis. Isang araw bago nito, nakita sa isang bidyo ang pambubugbog at pagkaladkad ng mga maton ng lokal na gubyerno ng Quezon City sa isang tindero ng isda. Sa Agusan del Norte, isang 63-taong-gulang na lalaking nagrereklamo kaugnay ng ayudang pagkain ang binaril ng pulis sa isang tsekpoynt noong Abril 5.