Lalong pahirap, panunupil at korapsyon sa tabing ng Covid-19 lockdown
Ang tinatawag nitong “bagong normal,” sa kaibuturan, ay ibayong pagpapasahol sa pinakamalalalang aspeto ng malakolonyal at malapyudal na sistema.
Translation/s: English | Bisaya
Sinasamantala ng rehimeng Duterte ang pandemyang Covid-19 sa Pilipinas upang palawigin ang mga pasistang hakbang na ipataw nito sa ngalan ng “pagsugpo” sa sakit. Ang tinatawag nitong “bagong normal,” sa kaibuturan, ay ibayong pagpapasahol sa pinakamalalalang aspeto ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Sa ilalim nito, lalong brutal na pasismo, mas malalalang patakarang neoliberal at mas masahol na korapsyon ang paiiralin ng tiranong si Duterte.
Mahigit 50 araw mula nang ipataw ni Duterte ang “lockdown” sa Luzon at iba’t ibang panig ng bansa na nagdulot na ng walang kapantay na gutom at hirap sa mamamayan at sumisira sa ekonomya ng bansa. Hanggang ngayon, wala pa ring ginagawang inisyatiba ang kanyang gubyerno para sa malawakang siyentipikong pagsisiyasat sa tunay na bilang ng nahawa ng sakit na Covid-19 at bagsik nito sa mga dinadapuan. Kulang, mabagal at kalat-kalat ang mga pagsisikap nito sa mass testing, at kulang na kulang ang pondo at tauhan para mag-eksamen ng mga sampol.
Nananatiling nasa dilim ang mamamayang Pilipino sa kung ano ang batayang siyentipiko at pangkalusugan ng nagpapatuloy na militaristang lockdown na tinawag na general at enhanced community quarantine (GCQ at ECQ) at kung ano na ang naabot nito. Habang pinananatiling bulag at balot ng takot sa Covid-19 ang mamamayan, namamayagpag naman si Duterte at ang kanyang pasistang pangkat sa pagpapatupad ng mas malulupit at masasahol na hakbangin at patakaran.
Sa nagpapatuloy na lockdown, walang patumanggang niyuyurakan ng mga pulis at sundalo ni Duterte ang saligang mga karapatan ng mamamayan. Kahit walang kinalaman at katunaya’y taliwas sa deklarasyong pangangalaga sa pampublikong kalusugan, daan-daan libong mamamayan ang pwersahang ikinukulong sa kanilang mga bahay sa tinawag na mga “total lockdown.”
Niroronda ng mga armadong tauhan ni Duterte ang mga maralitang komunidad at mga pribadong subdibisyon upang papaghariin ang takot at pangamba. Kaliwa’t kanan ang dinadampot, pinoposasan, binubugbog, ikinukulong at labis na pinahihirapan kahit sa simpleng mga pagkakamali. Maraming lugar ang nakapailalim sa curfew. Kaliwa’t kanan ang mga tsekpoynt. Bawal magprotesta. Bawal magreklamo. Ipinaiilalim at kinokontrol ng pulis at militar maging ang pagtutulungan at pagbibigay ng ayuda, lahat sa ngalan ng “social distancing.”
Sa kanayunan, lalo pang sumisidhi ang panunupil ng AFP sa masang magsasaka kaakibat ng pinatitinding operasyong kontra-insurhensya. Labis na paghihirap at paghihikahos ang dulot sa mga magsasaka ng mga tsekpoynt at pagrerekisa, pagbabawal na magsaka, pagkontrol sa dami ng pwedeng bilhin, paghahalughog sa mga bahay, paninindak para pwersahing makipagtulungan sa militar, at iba pang paraan ng paniniil.
Pinakatarget ng pasistang mga patakaran ni Duterte ang mga demokratiko at makabayang pwersa at mga kritikong naglalantad sa kulang na kulang at makupad na pagbibigay ng ayuda sa panahon ng lockdown, sa lubhang kulang na suporta sa mga manggagawang pangkalusugan, sa pagpapabaya sa mga pampublikong ospital at sa naunang pagbabalewala at kulang na paghahanda sa pagkalat ng Covid-19, at iba pang malalaking kabulastugan sa panahon ng pandemya.
Sa aktwal, ipinataw na ni Duterte ang paghaharing militar at pulis sa pamamagitan ng lockdown. Layunin nitong lumpuhin ang demokratikong paglaban ng mamamayan at iratsada ang pagpapatupad ng anti-mamamayang mga patakarang neoliberal na matagal nang nais ipatupad ng reaksyunaryong estado.
Sa pahayag mismo ng Malacañang, hindi kaiba ang “bagong normal” sa tinatawag nitong “GCQ” kung saan mahigpit na kinokontrol at minamanmanan ng estado ang galaw ng bawat myembro ng buu-buong komunidad. Sinasabing mananatili ang kaayusang ito hanggang maka-imbento ng gamot, na ayon sa mga siyentista ay maaaring abutin nang 18 buwan (o hanggang Disyembre 2021).
Gamit ang pagdadahilang kailangan pa rin ng “social-distancing,” pananatilihin ng rehimen ang pagbabawal sa mga pagtitipon. Idadahilan nito ang pagkalat ng bayrus para panatilihin ang pagbabawal sa pamamasada ng maraming drayber ng dyip at traysikel, gayundin ang paglabas at pagtatrabaho ng milyun-milyong malamanggagawang kontraktwal. Mananatili ang mga tsekpoynt sa pagdadahilang kailangang kunin ang temperatura ng mga dumadaan. Pahihigpitin nito ang mga “hakbang pangkalinisan” para ipasara ang maraming maliliit na negosyo. Bubuksan nito ang mga eskwelahan at pabrika, pero patuloy nitong ipagbabawal ang malalaking pagtitipon ng mga estudyante at manggagawa. Itinutulak ni Duterte ang mapanupil na National ID System sa ngalan ng mas episyenteng pamimigay ng ayuda o para sa “pagsubaybay sa bayrus.”
Sa ngalan ng pagpapaluwag sa mga daan, ipagbabawal ng rehimen ang pagpasada ng mga lumang dyip para mapalitan ang mga ito ng bagong mga sasakyan mula sa China na hawak ng malalaking negosyante. Sa tabing ng pagpapaluwag ng mga syudad, itutulak nito ang malawakang demolisyon ng mga komunidad ng mga maralita sa ilalim ng programang “Balik Probinsya” upang mapasakamay ng malalaking burgesyang komprador at mga dayuhang kapitalista ang mga primera klaseng lupa sa Kamaynilaan.
Sinamantala rin ni Duterte ang pandemya nang ipataw niya kamakailan ang 10% dagdag na buwis sa inaangkat na krudong langis na tiyak na ipababalikat sa mamamayan. Habang minamadali ng rehimen ang planong kaltasan ng buwis ang malalaking kapitalista sa ngalan ng muling pagbuhay ng ekonomya, tumatanggi naman itong pakinggan ang kahilingan na ibasura o isuspinde ang pagpapatupad ng TRAIN Law na nagpataw ng mabigat na buwis sa mga saligang konsumo. Dagdag na buwis din ang malao’y ipatutupad kapalit ng humigit-kumulang $4 na bilyong bagong utang ng Pilipinas sa World Bank, ADB at iba pang ahensya.
Sa gitna ng krisis pangkalusugan at sumasadsad na ekonomya, lalong lumalala ang burukrata-kapitalistang pandarambong. Sinasamantala ni Duterte ng kanyang mga kroni at burges komprador ang krisis para magkamal ng malaking tubo. Tampok sa mga ito ang pagkopo ng pamilyang Villar at ni Dennis Uy sa mga kontrata para sa pagtatayo ng mga quarantine center.
Ginagamit ni Duterte ang kanyang paghahari-hariang diktador upang paluhurin sa kanyang kagustuhan ang lahat ng malalaking burgesya-kumprador. Ang ilang buwan nang pagbabanta niya sa pamilyang Ayala at kay Manny Pangilinan ay humantong kamakailan sa kunwari’y “paghingi ng patawad” ni Duterte na drama lamang para pagtakpan ang bilyun-bilyong pisong mga aregluhan.
Noong isang araw, ipinag-utos ng rehimeng Duterte ang pagpapasara sa ABS-CBN, isang tahasang atake sa malayang pamamahayag. Sinamantala niya ang lockdown para walang makapag-ipon para magprotesta. Pinag-iinitan ni Duterte ang ABS-CBN dahil hindi ito basta sumusunod sa kanyang kumpas. Matagal nang pinipiga at iniipit ng mga burukratang kapitalista ang ABS-CBN para makipag-areglo kapalit ng kanilang prangkisa o kaya’y obligahin itong ibenta ang kumpanya sa mga naglalaway na kroni ni Duterte at kasabwat nilang mga dayong kapitalista.
Sagadsaring paniniil, pang-aapi at korapsyon ang “bagong normal” sa ilalim ng pasistang rehimeng Duterte. Habang nagbabanta si Duterte na idedeklara ang batas militar, ipinatutupad na niya ang mga elemento ng absolutong paghaharing diktador at tuluyan nang pinapatay ang natitirang kalayaan at demokrasya. Ang kalayaan ay para na lamang kay Duterte at sa kanyang mga kampon: Kalayaan para lalo pang magkamal ng yaman at tubo. Kalayaang gamitin ang pera ng bayan para sa sariling kapakanan. Kalayaang ikulong ang lahat ng hindi yuyuko. Hawak ni Duterte sa leeg ang demokrasya at handang tuluyang sakalin anumang oras.
Ang buong Pilipinas ay nasa ilalim na ng hindi deklaradong batas militar ni Duterte. Lalong sinisiil, pinahihirapan at pinagnanakawan ni Duterte ang buong bayan. Gayunman, deklarado man o hindi, ang batas militar ay isang malaking batong mahuhulog sa sariling ulo ni Duterte.
Dapat itakwil ng buong bayan ang “bagong normal” na walang iba kundi ang pagpapatuloy ng mga elemento ng lockdown at iba pang mga patakarang lalong nagpapatindi ng dati nang bulok na sistemang panlipunan. Dapat nilang hingin kung ano ang siyentipikong batayan ng nagpapatuloy na lockdown, mga tsekpoynt, curfew at lahat ng mga paghihigpit na labis-labis na pinarurusahan. Sa ngalan ng demokrasya at kalayaan, dapat nilang tipunin ang tapang para malikhaing suwayin at hamunin ang mga panggigipit sa ilalim ng militaristang lockdown ni Duterte.
Dapat pandayin ang pinakamalawak na pagkakaisa ng lahat ng demokratikong uri at sektor laban sa “bagong normal” na di deklaradong batas militar ni Duterte. Dapat magsama-sama ang pinakamaraming sektor para kundenahin at labanan ang pagpapasara sa ABS-CBN at iugnay iyon sa pagpapabaya ni Duterte sa mga manggagawang pangkalusugan, sa mabagal at kulang na kulang na ayuda sa panahon ng lockdown, sa pagtangging isuspinde ang pagbabayad-utang at itigil ang kontra-insurhensya para paburan ang pangangailangan sa pampublikong kalusugan, sa mga brutalidad at pang-aabuso ng mga pulis at sundalo sa karaniwang mamamayan, sa korapsyon ni Duterte, at sa pagsupil sa batayang karapatang magpahayag ng hinaing at damdamin at magrali sa lansangan.
Dapat isagawa ang malawakang kampanyang propaganda at edukasyon sa masa. Dapat ilantad ang mga kasinungalingan at di siyentipikong satsat ni Duterte hinggil sa Covid-19 at igiit ang pangangailangan para pamunuan ng mga siyentista at manggagawang pangkalusugan, hindi ng mga pasista, ang pagharap ng bansa sa pandemya. Dapat singilin si Duterte sa paggamit sa pandemyang Covid-19 para isulong ang kanyang iskemang itatag ang isang pasistang diktadura. Dapat ilantad ang mga patakarang neoliberal na lalong nagpapahirap sa masa at magkaisang ipaglaban ang mga panawagang ibasura ang TRAIN law at iba pang pahirap na buwis, ang karapatan sa disenteng pabahay, karapatan sa trabaho, at iba pang mga demokratikong kahilingan.
Dapat patuloy na palakasin ng Partido ang kanyang mga sangay at komite sa kalunsuran at kanayunan. Dapat patuloy na palakasin ng Partido ang kilusang lihim upang tiyakin na tuluy-tuloy na napapalakas at napalalawak ang kanyang organisasyon kahit pa sa ilalim ng pasistang panggigipit at panunupil. Kaalinsabay nito’y dapat lalong palakasin ng Partido ang ugnayan nito sa malawak na masa upang tuluy-tuloy silang napupukaw, naoorganisa at napakikilos. Dapat mahusay na pamunuan ng Partido ang masa na ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan at ang kanilang kagalingang pangkalusugan at panlipunan.
Mabibigo si Duterte at ang kanyang pasistang pangkatin sa hangarin nilang tuluyang supilin ang paglaban ng taumbayan. Habang lalong sumisidhi ang panunupil, pagpapahirap at pagnanakaw ng pangkating Duterte sa panahon ng pandemyang Covid-19, lalong nag-aalab ang damdamin ng sambayanan na manindigan at lumaban. Lalong nalalantad ang bulok na naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal at napupukaw ang sambayanan na bagtasin ang landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon.