Luyo-luyo sa produksyon ng pagkain

,

Sa tantya ni Tatay Lery, magtatagal lamang ng tatlong linggo ang ipinagiling na palay na naging parte niya sa pakiki-ani sa kabilang baryo. Ito na ang huling imbak na bigas ng pamilya. Kung dati’y nakapagpapadala ng pambili ng bigas ang kanyang anak na namamasukan sa Maynila, ngayon ay wala na itong naiaabot dahil nawalan ng trabaho sa ilalim ng lockdown.

Dahil sa lockdown, lalupang lumiit ang kinikita ng mga magsasaka sa Barangay Dasig. Ang mga pamilya nina Tatay Lery at kanyang kakolektibo sa sangay ng Partido sa lokalidad na si Tatay Utê ay kabilang sa karamihang hirap sa pagbili ng bigas. Ito’y dahil maliban sa kalakha’y nyugan ang baryo, marami ang nawalan ng kabuhayan dulot ng bagyong Tisoy noong Disyembre 2019.

Sa ganitong sitwasyon, napapanahon ang panawagan ng Partido na ikampanya ang produksyon ng pagkain upang tugunan ang kagutuman na pinalala ng lockdown. Sa Barangay Dasig at sa buong larangang gerilya, sama-samang nagbubungkal ang mga magsasaka upang umagapay sa paglaban sa kakulangan ng pagkain.

Dati nang may gumugulong na kampanya sa produksyon sa larangan. Noong maagang bahagi ng dekada 2010, muling pinasigla ang sama-samang produksyon ng bawat tsapter ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid at Makibaka. Pinairal ang mga ito bilang kooperatiba at naglaan ng mga parsela ng lupa upang gawing gulayan, hayupan o pangisdaan.

Sa pinakabatayan din ay gumagana ang “luyo-luyo” (bayanihan) ng magkakagrupo sa mga balangay. Sa ilang grupong balangay na nabawasan ng myembro o di kaya’y humupa ang sigla, nagbuo ng mga “grutul” (grupong tulungan) mula sa natitirang mga myembro.

Sa panibagong bwelo, hinikayat ng mga kasama ang pag-asa ng mga magkababaryo sa sarili nilang lakas. Sa nakaraan, ilan sa mga proyekto ng mga samahan, grupong balangay at grutul ay nakatuon sa pagganansya. Bagama’t nakakukuha sila ng pagkain mula sa itinanim, pangunahing layunin pa rin ng kanilang ani ang maibenta sa bayan. Nakakuha ito ng mamumuhunan, ngunit dahil sa iba’t ibang kadahilanan ay nangalugi pa rin ang mga ito.

Sa panibagong bwelo sa Barangay Dasig, si Tatay Utê at pitong iba pang maralita ang magkakasama sa grutul. Pawang mga benepisyaryo sila ng rebolusyong agraryo, at nabigyan ng karapatang magbungkal sa kanilang binubungkal na lupa. Pero hindi ito naging produktibo dahil sa nagdaang bagyo. Isa lamang ang grutul nina Tatay Utê sa mga binuong grupo sa baryo at sa klaster ng mga barangay.

Nakapaghawan na sila sa paanan ng Mt. Salig na malapit sa baryo. Kung magtutuluy-tuloy ang init, pwede na nilang sunugin ang pinagtabasan para makapagsimula na ng pagtatanim. Nakahanda na rin ang mga buto ng petsay at sitaw, na balak nilang itanim sa unang yugto. Kinalap ito ng mga kasamang nangangasiwa sa larangang gerilya. Naglaan din ng suportang bigas sa mga residente bilang kagyat na pantawid-gutom.

Oras na makapagtanim na sina Tatay Utê, ilang linggo lamang ang bibilangin at may mapipitas nang gulayin. Sa malaon, magtatanim ang grutul ng kamoteng kahoy, saging at mas pangmatagalan na palay at gabi.

Hindi na nga nakatuon sa merkado ang aanihin, kaya’t ang itatanim ay husto lang sa pangangailangan ng mga grutul. Paglilinaw ng mga kasama, pangunahing layunin ng kampanya ay magkaroon ng sapat na pagkain sa mesa ang pamilya ng mga magsasaka. Kung mayroon mang labis, maaari itong ipagbili sa mga kababaryo.

Pero sa malapit na hinaharap, saan manggagaling ang bigas ng mga magniniyog ng Baryo Dasig?

Kinokoordina ng komiteng larangan ang kampanya sa produksyon sa mga klaster. Sa gayon ay matutumbasan ng ani ng ibang baryo ang kakulangan ng iba pa. Sa kaso ng Baryo Dasig, maaaring magtanim ng karagdagang gulayin ang mga grutul upang ipampalit ito sa palay, na siya namang pangunahing produkto ng barangay sa ibaba. Planado rin ang produksyon ng mga palayan sa ibaba upang maglaan ng ipampapalit sa mga gulayin ng mga baryo sa ilaya.

Hindi na hihintayin ni Tatay Lery ang magiging resulta ng taniman nina Tatay Utê upang pumaloob rin sa grutul. Inaasahan ng mga kasama na mahihikayat ang iba pang magsasaka na magbuo rin ng mga grutul, o mas mainam pa’y ireaktiba ang mga tumamlay na grupong balangay.

Hitik sa mga aral ang mayamang karanasan ng Barangay Dasig sa rebolusyon. Para kay Tatay Lery, hindi na kailangang maghintay na matapos ang lockdown upang muling makapagpadala ang anak. Batid niyang sa loob mismo ng baryo, sa hanay nilang mga magsasaka, ay makahahakbang sila paalpas sa kagutuman.

Luyo-luyo sa produksyon ng pagkain