Misengkwentro ng 88th IB sa Bukidnon
Naglulubid ng kasinungalingan ang 88th IB nang sabihin nitong isang lehitimong engkwentro ang naganap sa pagitan ng mga sundalo nito at Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Sityo Mahayhay, Barangay Lipa, Quezon, Bukidnon noong Abril 28 ng umaga.
Batay sa ulat ng BHB-Bukidnon, nagkaroon ng misengkwentro sa pagitan ng Bravo Company at yunit paniktik ng 88th IB. Umabot nang 30 minuto ang putukan na nagresulta sa isang patay at mga sugatan. Bumagsak ang mga bala ng M203 malapit sa komunidad na nagdulot ng takot sa mga residente.
Notoryus ang 88th IB sa sapilitang pagpapasuko, iligal na pang-aaresto at pagpaslang sa mga magsasaka at Lumad. Mula nang buuin noong 2017, hindi bababa sa limang Lumad na magsasaka ang binaril at pinatay nito. Kabilang sa iba pang mga biktima nito si Jeffrey Bayot, kasapi ng Organisasyon sa Yanong Obrerong Nagkahiusa na pinaslang noong Agosto 2019.
Sangkot din sila sa pag-aresto at pagdetine sa tagapangulo ng Kasama-Bukidnon at mga magsasaka ng Buffalo-Tamaraw-Limus noong Enero 2020 at sa dalawang menor-de-edad noong Pebrero 2019 sa Kitaotao.
Noong Disyembre 2019, binantaan ni Lt. Col. Franklin F. Fabic, kumander ng 88th IB na bobombahin ang Sityo Dumasilag, Barangay Sta. Filomena, Quezon kung hindi susuko ang mga residente bilang myembro at tagasuporta ng BHB. Nagdulot ito ng pagbabakwit ng hindi bababa sa 113 residente kabilang ang 35 bata.
Binuo ang 88th IB mula sa pinagsama-samang pwersa ng 3rd, 4th, 8th at 9th ID. Nakakampo ang berdugong batalyon sa Barangay South Poblacion, Maramag. Nagsisilbi itong tagabantay at protektor ng mga mapandambong na mga plantasyon at minahan sa Bukidnon.