Operasyon ng mga minahan sa Mindanao, tuloy sa gitna ng pandemya
Nagpapatuloy ang mga operasyon sa pagmimina ng TVI Resource Development (Phils) Inc. (TVIRD) at Agata Mining Ventures Inc. (AMVI) noong Abril sa mga prubinsya ng Zamboanga del Sur at Agusan del Norte sa kabila ng pandemyang Covid-19 at ipinatupad na lockdown. Hindi tumigil ang pagtatayo ng mga gusali at pagpupwesto ng karagdagang makinarya para sa pagmimina.
Pagmamay-ari ng Toronto Ventures Incorporated (kilala ding TVI Pacific Inc.) ang higit 30% ng TVIRD na nagpapatakbo sa pagmimina sa Mt. Balabag sa Bayog, Zamboanga del Sur. Bagaman hindi direkta, hawak din nito ang malaking bahagi ng operasyon ng AMVI sa Agusan del Norte dahil 60% ng operasyon ng AMVI ay pagmamay-ari ng TVIRD.
Dalawang dekada nang nananalasa ang TVI Pacific Inc., Canadian na kumpanya sa pagmimina, sa mga kabundukan ng Zamboanga Peninsula. Ang kumpanya ang pinakaunang dayuhang kumpanya sa mina na binigyan ng konsesyon sa ilalim ng Mining Act ng 1995.
Nagsimula ang TVI Pacific Inc. sa Pilipinas noong 1998. Kilala ang kumpanya bilang pinakamalaking prodyuser ng ginto at pilak at nangungunang taga-eksport ng tanso at zinc concentrate. Inangkin nito ang Mt. Canatuan sa Siocon, Zamboanga del Norte na itinuturing na sagrado ng grupong Lumad na Subanen, at Mt. Balabag sa Bayog, Zamboanga del Sur. Bahagi ito ng kanilang lupang ninuno, alinsunod sa kasaysayan ng kanilang tribo mula pa ika-17 siglo.
Delubyo ang hatid ng pagpasok ng TVI Pacific Inc. sa kabundukan ng Zamboanga. Binuksan ng kumpanya ang unang planta ng pagpoproseso ng ginto at pilak noong 2004 sa Mt. Canatuan. Sa apat na taong operasyon, nakakuha ito ng mahigit 105 onsa (ounce) ng ginto at 1.8 milyon onsa ng silver dore na nagkakahalagang $86 milyon.
Naiulat noong 2014 ang pagsasara ng minahan dahil sa pagkaubos ng mineral sa bundok. Nagsilbing gwardya ng minahan ang 44th IB. Pinangunahan nito ang pagpapalayas sa mga Subanen at pagpatahimik sa kanilang paglaban.
Pagkatapos ng paglarga ng mga operasyon sa Mt. Canatuan, sinimulan ng TVI Pacific Inc. ang operasyon sa Mt. Balabag noong 2008. Sa pamamagitan ng isang Mineral Production Sharing Agreement, sinaklaw nito ang 4,479 ektaryang lupain sa Bayog. Tinatayang mayroon itong 210,000 onsa ng ginto.
Binuksan naman nito ang AMVI noong Oktubre 2014 na nasa hangganan ng Jabonga, Santiago at Tubay sa Agusan del Norte. Nagmimina ito ng tanso at bakal na ineeksport sa Korea, Japan, China at Australia.