Protesta sa Mayo Uno
Hindi napigilan ng pasismo ni Rodrido Duterte ang pagkakaisa at protesta ng mga manggagawa at ibang sektor sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Pinangunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang pangangalampag sa rehimeng Duterte sa mga kagyat na kahingian ng mga manggagawa sa harap ng krisis pangkalusugan. Nagkaisa sila sa temang “Kalusugan, Kabuhayan, Karapatan, Ipaglaban!”
Tumayong may sapat na pagkakalayo ang ilang manggagawa, guro at kabataan sa harap ng isang gusali sa UP Diliman. Nagsagawa rin ng mga pagkilos at raling iglap ang mga manggagawa ng Paperland sa Quezon City, Unyon ng mga Manggagawa sa Harbor Centre sa Tondo, Manila at iba pa.
Naglunsad din ang KMU ng “online protest” o protesta sa internet na nilahukan ng iba’t ibang sektor. Ayon sa datos, nagrehistro ito ng 50,000 views o bilang ng nakapanood. Naglunsad din parehong protesta ang mga balangay ng KMU sa Southern Mindanao, Central Luzon, at Southern Tagalog.