#SolidarityAmidCovid, panawagan sa ika-36 taon ng Cordillera Day

,

Pinangunahan ng Cordillera Peoples’ Alliance (CPA) ang pamamahagi ng ayuda at personal protective equipment (PPE) sa mahihirap na komunidad at manggagawang pangkalusugan noong Abril 24. Bahagi ito ng paggunita ng mamamayang Igorot sa ika-36 na Cordillera Day.

Para sa CPA, ang kahulugan at pagsasabuhay ng Cordillera Day ay sa pamamagitan ng tuluy-tuloy na pagkakaisa ng mamamayang Cordillera at pagtatanggol sa karapatan at lupang ninuno.

Pinangunahan ng Health for the People Brigade ang tradisyong ub-ubbo, innabuyog at binnadang upang makalikom ng mga gamit pangkaligtasan at iba pang ayuda para sa mga maralita.
Ang ub-ubbo, innabuyog at binnadang ay mga katutubong tradisyon ng pagtitipon ng lakas at sama-samang pagtatrabaho nang walang kapalit na sahod.

Sa loob ng 36 na taon, ang Cordillera Day din ay nagsilbing paggunita sa paglaban ng mamamayang Cordillera sa diktadurya, pasismo at paglabag sa karapatang-tao. Noong Abril 24, 1980, pinaslang ng mga tropa ng AFP si Macliing Dulag ng tribung Butbut sa Bugnay, Tinglayan, Kalinga. Isa si Dulag sa lider ng tribu at nanguna sa paglaban sa Chico Dam Project. Ang pagkakapaslang kay Dulag ay ginunita mula 1981 hanggang 1984 at tinawag na Macliing Memorials. Mula dito naorganisa ang Cordillera Peoples’ Day na pinangunahan ng CPA. Taun-taon itong inilulunsad sa iba’t ibang prubinsya ng Cordillera at Baguio City.

#SolidarityAmidCovid, panawagan sa ika-36 taon ng Cordillera Day