Unilateral na tigil-putukan, tinapos na ng PKP-BHB

,

Nitong Abril 30, nagpahayag ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na hindi na palalawigin ang unilateral na tigil-putukan nito. “Dahil malala at patuloy pang lumalala ang epidemyang Covid-19, patuloy na bibigyan ng pinakamataas na prayoridad ng PKP at Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang paglaban sa epidemyang Covid-19 sa kabila ng utos ni Duterte at AFP na lalong paigtingin ang mga opensiba at iba pang operasyong militar laban sa BHB. Gayunman, hindi na maaaring palawigin pagkatapos ng Abril 30, 2020 ang makataong unilateral na tigil-putukan ng BHB. Magdudulot lamang ito ng malubhang pinsala sa BHB at masa sa harap ng pinaigting na malawakang pag-atake at mga operasyong militar ng AFP-PNP,” anang PKP.

Mula noong Marso 16 hanggang Abril 30, patuloy na naglunsad ang militar at pulis ng matitindi at sustenidong operasyong kontra-insurhensya sa 159 bayan at lunsod, saklaw ang hindi bababa sa 432 barangay. Nagresulta ang mga operasyon sa hindi bababa sa 54 armadong engkwentro, 39 dito ay reyd laban sa mga kampo ng BHB. Pinakahuling insidente ang reyd ng 4th IB sa kampo ng mga Pulang mandirigma sa Rizal, Occidental Mindoro noong Abril 30.

Nagresulta ang mga labanan na ito sa hindi bababa sa 31 patay at 27 sugatan sa hanay ng kaaway. Sa bahagi ng BHB, 20 Pulang mandirigma naman ang namartir habang walo ang nasugatan.

Sa parehong panahon, nakapagtala rin ang Ang Bayan ng 39 insidente ng paglabag sa karapatang-tao na isinagawa ng mga pwersa ng estado sa tabing ng kampanyang kontra-insurhensya ng rehimen. Apat na sibilyan ang pinaslang (dalawa sa mga biktima ay magsasaka), at 60 naman ang iligal na inaresto (54 sa mga biktima o 90% ay magsasaka).

Pinakahuling kaso ang arbitraryong pag-aresto sa isang siyam na buwang buntis na Lumad sa Butuan City. Dinakip ng mga elemento ng 23rd IB si Mayet Ambason sa Sityo Bankaling, Purok 8, Barangay Nong-Nong noong Abril 30 dakong alas-4 ng hapon. Inakusahan siyang kasapi ng BHB at sangkot sa naganap na engkwentro sa nasabing barangay noong Abril 24.

Unilateral na tigil-putukan, tinapos na ng PKP-BHB