5 magsasaka sa Sorsogon, minasaker ng 31st IB, 9th SAF

,

Limang magsasaka ang minasaker ng mga sundalo at pulis sa estilong SEMPO (Synchronized Enhanced Management of Police Operations) sa Barangay Dolos, Bulan, Sorsogon noong Mayo 8. Ang mga biktima ay sina Jeric Vuno, Jerry Palanca, Robert Villafuerte, Raymundo Tañada at Jaime Tañada. Si Jaime Tañada ay may edad na habang si Villafuerte ay may sakit sa pag-iisip.

Pinalabas ng mga salarin na mga Pulang mandirigma ang mga magsasaka. Pero pinasinungalingan ito ng mga residente. Ayon sa mga nakasaksi, pwersahang pinasok ng mga sundalo ang pitong bahay sa baryo, dinakip at iginapos ang mga nakatirang lalaki rito. Binugbog ng mga sundalo ang mga upisyal ng barangay na nagtangkang sumaklolo.

Dinala ng mga sundalo ang limang biktima sa likod ng mga bahay at doon binaril. Bakas sa mga katawan ng biktima ang mga palatandaan ng tortyur. Mga elemento ng 31st IB, 9th Special Action Force Battalion, Provincial Mobile Force Company ng PNP Sorsogon at mga yunit sa paniktik ang nagsagawa ng operasyon.

Kasabay na sinalakay ng mga yunit na ito ang katabing barangay ng Calpi. Hinalughog ang mga bahay ng mga pamilyang Abuyog, Golimlim at Estiller. Binugbog sina Jeffrey Godala at Jojo Palanca, at dalawang menor de edad na Estiller. Ninakaw din ng mga sundalo’t pulis ang pera, mga selpon at iba pang kagamitan ng mga residente.

Ang estilong SEMPO ay unang ginawa sa Negros noong 2018-2019. Hindi bababa sa 35 magsasaka ang pinatay nito. Ang mga operasyon ay pinangunahan noon ni Police MGen. Debold Sinas, ang kasalukuyang hepe ng pulis ng Metro Manila.

Sa Batangas, estilong SEMPO rin ang ginawa sa iligal na pag-aresto sa anim na residente ng Barangay Coral ni Lopez, Calaca noong madaling araw ng Mayo 10. Ang mga biktima ay mga lider-magsasaka na sina Leovino Julongbayan, Virgilio Vidal, Marcelo Vidal, Doroteo Bautista, July Julongbayan at Roilan Tenorio.

Samantala, inaresto naman sa Quezon Province noong Mayo 4 ang magsasakang si Leoben Holeto. Katatapos lamang sumailalim sa medikal na operasyon at pauwi noon si Holeto kasama ng kanyang ina nang harangin sila ng mga elemento ng 85th IB.

5 magsasaka sa Sorsogon, minasaker ng 31st IB, 9th SAF