Damayan sa gitna ng kagipitan sa Samar
Sama-samang hinarap ng mga magsasaka ng Northern Samar ang suliraning idinulot ng limitado at kulang na ayudang pinansyal ng rehimeng Duterte para sa mga apektado ng krisis ng Covid-19. Sa pamamagitan ng kanilang rebolusyonaryong organisasyong masa, tiniyak nilang nabigyan ng ayuda ang lahat ng pamilya sa mga barangay ng Ipil-ipil at Langka (di tunay na pangalan).
Sa Barangay Ipil-ipil, 38 lang sa 64 pamilya ang nasa listahan ng makatatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 na ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP). Tulad ng ibang mga barangay, napilitan ang mga lokal na upisyal na magpataw ng kota.
Napagkaisahan ng organisasyon ng mga magsasaka sa Barangay Ipil-ipil na dapat mabigyan ang lahat ng pamilya ng ayudang pinansyal, nasa listahan man sila o wala. Para magawa ito, tinipon ng mga benepisyaryo ang perang natanggap at hinati sa lahat ng pamilya sa baryo. Sa P190,000 na natipon ng organisasyon, nakatanggap ang lahat ng pamilya ng P2,368 kada isa. Isinama nila sa pondo ang P68 na ibinigay ng barangay kapitan para sa pamasahe papuntang bayan upang mamili ng mga gamit at pangangailangan ng taumbaryo.
Sa Barangay Langka, 12 pamilya ang hindi kasama sa “kota” ng gubyerno. Sa pamamagitan ng paggabay at pagpapaliwanag ng organisasyon, nagdesisyon ang mga benepisyaryo na mag-ambag ng tig-P600 kada pamilya para ipamahagi sa walang natanggap.
Sa Barangay Ipil-ipil, tinipon ng organisasyon ang mga residente at ipinaliwanag kung bakit kailangang tulungan ang mga kapitbahay na hindi nakatanggap ng ayuda. Tinulungan ng organisasyon ang mga upisyal ng barangay sa pangangasiwa ng pondo upang maiwasan ang korapsyon. Sinubaybayan ng mga kasapi ng sangay ng Partido ang pagbubuo ng organisasyon ng desisyon. Tumulong din ang lokal na yunit ng BHB sa pagbuo ng pagkakaisa ng taumbaryo.
Tiniyak ng mga organisasyon na lihim ang isinagawang pagtitipon at pamamahagi ng ayuda upang hindi malaman ng munisipal na gubyerno. Pinagbawalan ng rehimen ang mga lokal na upisyal na mag-inisyatiba at baguhin ang mga panuntunan nito sa pamamahagi ng ayuda kahit pa para ito sa kabutihan ng mamamayan.
Sinusubukan na ng mga organisasyon sa ibang baryo na gayahin ang organisadong pamamahagi ng nakuhang ayuda sa nabanggit na mga barangay. Samantala, naghahanda na ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa Barangay Ipil-ipil na pangunahan ang iba pang gawaing kontra sa Covid-19, gaya ng kampanya sa produksyon at pagtatanim ng mga halamang gamot. (Mula sa Larab, Mayo 9, 2020.)