Kumperensya sa edukasyon, inilunsad sa Negros

,

Tatlumpung kadre sa edukasyon mula sa mga larangang gerilya, organong istap at lihim na organisasyong masa ang dumalo sa unang panrehiyong kumperensya sa edukasyon ng Negros. Nagtipon sila noong unang kwarto ng taon sa isang larangang gerilya.

Inalam at tinasa sa kumperensya ang mga karanasan sa pagpapatupad ng programa sa edukasyong pampartido noong nagdaang mga taon. Binigyan-diin nito ang pagtatayo ng mga Pulang Paaralan sa iba’t ibang antas bilang makinarya sa pagsusulong ng mga gawain sa edukasyon.

Ipinaliwanag sa bawat kadre sa edukasyon ang pangangailangan para sa isang “pursigido, sistematiko at malawakang paglulunsad ng mga pag-aaral sa tatlong-antas na kurso ng Partido…[at] kurso at aralin sa kurikulum ng Pambansa Demokratikong Paaralan.”

Determinado ang kumperensya na isulong ang gawaing edukasyon pagkatapos ng ibayong pagkakaisa na nabuo sa pagpupulong. Katuwang ng kumperensya ang mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan na nagtiyak sa kaligtasan ng pagtitipon sa harap ng walang-tigil na mga operasyong kombat ng mga sundalo sa isla. (Mula sa Ang Paghimakas, Mayo 2020.)

Kumperensya sa edukasyon, inilunsad sa Negros