Malawakang takot, hatid ng militarisasyon sa Surigao del Sur

,

Nagdulot ng matinding takot sa mga residente ang biglang pagdating ng mga sundalo at pulis sa Km. 16 at Han-ayan sa Barangay Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong Mayo 19. Ayon sa ulat ng mga residente, pinasok ng ilang sundalo ang paaralang Lumad na pinatatakbo ng Alcadev (Alternative Learning Center for Agriculture and Livelihood Development) sa Han-ayan habang ang iba ay nagbahay-bahay para hanapin ang mga lider ng Malahutayong Pakigbisog Alang sa Sumusunod (MAPASU). Hinahanap nila ang koordineytor ng Alcadev na si Maricres Pagaran, ang paring si Fr. Raymond Ambray at konsehal ng Lianga na si Sammy Dollano. Inaresto din ng mga pulis ang residenteng si Eric Enriquez noong umaga ng parehong araw.

Noong Mayo 12, nagpalipad ng fighter jet ang militar at naghulog ng apat na bomba malapit sa komunidad dakong alas-3 ng umaga. Limang beses ding pinaputukan ng kanyon ang lugar.

Sa sumunod na apat na araw, nagpaikut-ikot ang mga drone at helikopter sa paligid ng komunidad. Naghulog pa ang mga ito ng mga polyetong may nakasaad na “magbalik-loob na sa gobyerno para di kayo mahawa sa Covid-19.”

Samantala, inireklamo rin ng mga magsasaka sa Northern Samar ang iba’t ibang kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng 20th IB habang nagsasagawa ng operasyong militar sa gitna ng krisis ng Covid-19. Mula Abril 7-18, hinaras, tinakot at pinilit na maggiya sa operasyong kombat ng 20th IB ang anim na magsasaka at isang anim-na-taong gulang na bata na mga residente ng Barangay Deit de Turag, Silvino Lobos. Naiulat din ang pananakit ng mga sundalo sa isa pang residente. Pinilit din ng mga sundalo ang isang magsasakang residente ng Barangay MacArthur, Las Navas na maggiya sa kanilang operasyon noong Abril 18.

Malawakang takot, hatid ng militarisasyon sa Surigao del Sur