Meralco, pinaiimbestigahan ng Bayan Muna
Pinaiimbestigahan ng Bayan Muna ang Manila Electric Company (Meralco) matapos lumaganap ang mga reklamo ng mga residente sa Metro Manila sa sobrang laki ng kanilang mga bayarin para sa nakaraang dalawang buwan.
Dahil suspendido ang pagbasa sa mga metro ng kuryente mula pa Marso, ibinatay ng Meralco ang singil nito sa abereyds na konsumo ng mga konsyumer mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero 2020. Sa aktwal, hindi ito sinusunod ng Meralco. Halimbawa ng paglobo ang bayarin ng isang konsyumer na lumaki mula P2,672 noong Marso tungong P9,358.52 para sa buwan ng Mayo.
Ayon sa Bayan Muna, kitang-kita ang pagsasamantala ng Meralco sa pandemya para magkamal ng dambuhalang tubo kahit pa magdulot ito ng pagdurusa sa mga konsyumer. Kaugnay nito, ipinanawagan ng grupo ang pagbasura sa Electric Power Industry Reform Act na ginagamit ng Meralco para monopolisahin ang industriya ng kuryente at patuloy na magpataw ng dagdag na singil sa mga konsyumer. Pinakahuli rito ang dagdag singil na P0.105/kilowatt hour na ipinataw noong Abril.