Mga abusadong sundalo, sinalakay sa mga opensiba ng BHB-Bukidnon
Sunud-sunod na aksyong militar ang inilunsad ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Bukidnon laban sa mga abusadong sundalo sa prubinsya noong Mayo 5-14. Apat na pasistang sundalo ang patay, at dalawa ang sugatan.
Inisnayp ng BHB-Bukidnon noong Mayo 11 ang mga tauhan ng 60th IB at 56th IB sa Sityo Tapayanon, Barangay Mandahikan, Cabanglasan. Labis nang pahirap at mga abuso ang dinaranas ng masa dahil sa matagal nang presensya ng mga sundalo sa kanilang lugar. Dalawang sundalo ang napatay.
Isang araw bago nito, inisnayp ng isa pang yunit ng BHB ang detatsment ng 8th IB sa Sityo Miaray, Barangay Mandahikan. Dalawang sundalo ang napatay at dalawa ang sugatan.
Samantala sa dalawang magkahiwalay na insidente, inambus ng BHB ang mga ahente sa paniktik ng 8th IB. Tinambangan sa Barangay Busdi, Malaybalay City noong Mayo 10 ang isang elemento ng CAFGU na nagsilbing giya sa mga operasyong kombat ng 8th IB.
Noong Mayo 13, pinaslang ang isa pang ahenteng paniktik sa Barangay Indalasa, Cabanglasan. Susi ang ahenteng ito sa sapilitang “pagpapasuko” sa mga kasapi ng tribung Talaandig at pagpaslang sa dalawang magsasakang kasapi ng organisasyong Ogyon sa Cabanglasan.
Iniulat din ng BHB-Bukidnon ang pagpapaputok nito sa isang detatsment ng CAA sa Barangay Bolunay, Impasug-ong noong Mayo 14. Ang naturang detatsment ay pinaputukan din noong Mayo 5.
Sa isla naman ng Panay, nagsagawa ng mga operasyong haras ang mga yunit ng BHB. Pinaputukan noong Mayo 12 ang detatsment ng militar sa Barangay Anhawan, Janiuay sa Iloilo at ang bagong tayong detatsment ng CAFGU sa Barangay Barasan, Igbaras sa parehong prubinsya noong Mayo 3.