Mga protestang bayan sa gitna ng mga lockdown
Hindi napigilan ng mga lockdown ang mga kilos protesta ng mga mamamayan sa iba’t ibang bansa para kundenahin ang mga paglabag sa karapatang-tao, tumitinding kagutuman at kawalan ng kabuhayan sa gitna ng pananalasa ng pandemyang Covid-19.
Sa Lebanon, libu-libong mamamayan ang nagmartsa sa lansangan noong Abril 27 para tuligsain ang pagbagsak ng ekonomya at kakulangan ng ayuda sa panahon ng pandemya. Anila, kung hindi sila mamamatay sa sakit, mamamatay sila sa gutom dahil sa kapabayaan ng gubyerno.
Dalawang libo naman ang tumayo nang may dalawang metrong pagitan sa Israel noong Abril 19 para batikusin ang mga anti-demokratikong hakbang ng rehimeng Netanyahu. Kabilang dito ang pagbabawal sa anumang pagtitipon at pagpapahintulot sa sarbeylans sa mga indibidwal.
Sa Latin America, lumaganap ang iba’t ibang protesta sa pinakamahihirap na komunidad na naggigiit ng sapat na ayuda. Lumabas sa kanilang mga komunidad ang maralita sa Chile. Sa El Salvador, naging malawakan ang mga noise barrage. Sa Colombia, nagtipon ang mga maralitang nawalan ng hanapbuhay sa kani-kanilang mga komunidad. Tuluy-tuloy ang kanilang pagkilos na pinamumunuan ng mga mala-proletaryado mula pa Marso.
Sa France, bumuo ng human chain ang may 250 katao noong Mayo 11 sa isang komunidad ng mga manggagawa sa Paris. Binatikos nila ang lockdown at ang idinudulot nitong karahasan at di pagkakapantay-pantay.
Kinundena naman ng mga manggagawang pangkalusugan sa Belgium ang kainutilan ng kanilang gubyerno sa pagtugon sa krisis ng Covid-19. Noong Mayo 16, tumalikod sila nang bumisita ang punong ministro ng bansa sa isang ospital. Binatikos nila ang pagkaltas sa badyet pangkalusugan at mababang pasahod sa sektor ng kalusugan.