Pamimilit at paninira ng ani ng 20th IB
INIREREKLAMO NG MGA magsasaka sa Northern Samar ang iba’t ibang paglabag sa karapatang pantao ng 20th Infantry Battalion-Philippine Army habang nasasagawa ng operasyong militar sa gitna ng krisis ng Covid-19, ayon sa mga ulat na natanggap ng NPA-Northern Samar (Rodante Urtal Command o RUC).
Noong Abril 11, hinaras, tinakot at pinilit na magsilbing gabay ng mga elemento ng 20th IB-Sulong Detachment ang limang magsasaka na sina Taloktok Lucban, Lando Cabides, Remar Cabides, Popoy Sacay at isang nagngangalang Jeffrey, mga residente ng Brgy. Deit de Turag, Silvino Lobos. Pinagsisira din ng mga sundalo ang 2,200 piraso ng niyog at 15 gantang ng palay ng residenteng si Narding dela Cruz. Sinira din nila ang sako ng uling, tabla ng kahoy, at iba pang pagmamay-ari ng residenteng si Lando Sacay na nakatago sa kanyang bahay sa uma.
Noon namang Abril 18, pinilit ding magsilbing gabay ng mga tropa ng 20th IB sina Nongnong Sacay at isang 6-taong gulang na bata, mga taga-Deit de Turag, Silvino Lobos, gayundin si Ermito Orpeza ng Brgy. MacArthur, Las Navas.
Dalawang beses namang sinuntok ng mga sundalo si Remar Cabides, taga-Brgy. Deit de Turag.
Nangyari ang mga insidente ng pang-aabuso ilang araw matapos bigong mareyd ng 20th IB ang isang yunit ng BHB-RUC sa pagitan ng Brgy. Victory at Brgy. Lakandula, Las Navas noong Abril 7. Sa gitna ito ng malakihang operasyong kombat ng 20th IB mula Abril 6-10, na labag sa tigil-putukan ng Philippine Army na epektibo pa nitong panahon. (Koresponsal) #