100 Lumad, inaresto sa Northern Mindanao
Mahigit 100 Lumad ang inaresto sa iba’t ibang bahagi ng Northern Mindanao sa mga operasyong kombat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa nakaraang tatlong buwan.
Pinakamatingkad dito ang pag-aresto ng 88th IB noong Mayo 18 sa mahigit 100 magsasaka at Lumad ng Sityo Balaas at Airburn sa Barangay Mabuhay; at Nabangkal sa Barangay Magkalungay, San Fernando, Bukidnon. Inakusahan silang kasapi ng hukbong bayan at idinetine sa himpilan ng 88th IB sa Maramag.
Nagbakwit naman ang 700 residente naman ng Sityo Sta. Rita at San Roque sa Barangay Sinanglanan, Malaybalay City dulot ng matinding operasyong militar sa kanilang komunidad noong Mayo 14. Dala ang kanilang mga alagang hayop, nagsangtwaryo sila sa kanugnog na Sityo Malapgap.
Umabot sa 645 tropa ng 8th, 88th, 60th at 56th IB ang naglulunsad ng nakapokus na operasyon militar sa Malaybalay City, San Fernando at Cabanglasan.
Sa Agusan del Norte, inaresto ng mga elemento ng 23rd IB noong Mayo 16 sa Sityo Cabalalahan, Guinabsan, Buenavista ang dalawang buntis na kinilalang sina “Apay” at “Wena.” Idinedetine ngayon ang mga biktima sa himpilan ng 23rd IB sa parehong bayan. Hindi rin malinaw kung ano ang kasong isinampa laban sa kanila.
Pagsunog sa kabahayan, paaralan
Naiulat noong Marso 16 ang pagsunog ng mga elemento ng militar sa mga bahay at paaralang elementarya ng mga Lumad sa Barangay San Vicente, Esperanza, Agusan del Sur. Isinagawa ang panununog matapos ang isang misengkwentro na nagresulta sa limang kaswalting sundalo. Isang araw bago nito, nagbakwit ang mga residente ng naturang komunidad dulot ng matinding operasyon at pandarahas sa kanila ng militar. Anim na Lumad ang inaresto ng militar para interogahin.