2 lider masa, brutal na pinaslang sa Eastern Visayas
Dalawang lider masa ang magkasunod at brutal na pinaslang ng mga ahente ng estado sa Eastern Visayas noong Mayo. Parehong pinagbantaan at binansagang mga kriminal at terorista ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang mga biktima.
Noong Mayo 28, natagpuan ang bangkay ni Carlito Badion (Ka Karlets), pambansang pangkalahatang kalihim ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), sa Pagsanga-an, Riverside, Ormoc City, Leyte. Dinukot ng mga armadong lalaki si Badion noong Mayo 26 at pinaniniwalaang dinala sa Barangay Guintigui-an at doon tinortyur. Ayon sa mga nakakita sa katawan, posibleng namatay ang biktima sa hampas ng kahoy sa ulo. Si Badion ay may kapansanan sa paa dahil sa polio.
Kilala si Badion bilang lider sa pakikibaka ng mga maralitang lunsod, kabilang sa mga barikadang bayan laban sa demolisyon, okupasyon ng tiwangwang na mga pabahay at sa mga kampanya para sa pabahay. Nanguna rin siya sa pagbatikos sa Oplan Tokhang at kontra-maralitang “gera kontra-droga” ni Duterte.
Pinalabas ng mga pulis ang kaso bilang simpleng pagnanakaw at pagpaslang para pagtakpan ang pampulitikang motibo sa pagpatay sa kilalang lider masa
Noong Mayo 29, pinaslang ng mga elemento ng 43rd IB ang lider magsasaka na si Allan Aguilando (Mano Boy), tagapangulo ng Northern Samar Small Farmers Association, sa Barangay New Rizal, Catarman, Northern Samar. Binaril siya sa likod ng kanyang ulo. Tinaga rin ang kanyang mukha.
Pinamunuan ni Aguilando ang mga kampanya laban sa militarisasyon at magkakasunod na delubyong nanalasa sa prubinsya. Nanguna rin siya sa martsa ng mga Samareñong magsasaka tungong Maynila noong 2016 at 2018 para panagutin ang kapabayaan ng rehimen at manawagan ng ayuda. Para makakubra ng pabuya, pinalabas ng 43rd IB na lider umano ng hukbong bayan ang biktima at nabaril sa isang engkwentro.
Pag-aresto. Sa Las Navas, piniringan, ginapos at inaresto ng mga elemento ng 803rd IBde ang magsasakang sina Carlos Baluyot, Alvino Lucapa at isang menor-de-edad sa Barangay Logging noong Hunyo 1. Si Baluyot ay lider ng Alyansa san mga Parag-uma Kontra-kagutom san Las Navasnon na aktibong bumabatikos sa militarisasyon sa kanilang komunidad.
Sa Western Samar, dinakip ng mga sundalo ang mga magsasakang sina Cosme Cabangunay at kanyang mga anak na sina Jevie at Jason noong Mayo 27 sa Barangay Canvais, Motiong.
Samantala, dinukot ng mga elemento ng 85th IB ang magsasakang sina Marvin Lotero at Wilmar Marinas sa Barangay Mabini, Lopez, Quezon noong Hunyo 2. Hindi pa rin sila natatagpuan hanggang sa kasalukuyan.
Lahat ng dinakip ay inakusahang kasapi ng hukbong bayan.