Ang galit sa likod ng mga protesta sa US
“Hindi ako makahinga…”
Araw-araw ang mga protesta ng mamamayang US sa lahat ng estado ng bansa mula nang mapatay ng pulis ang itim na Amerikanong si George Floyd noong Mayo 25. Sa gitna ng pandemya, bumuhos sa lansangan ang libu-libong mamamayan para kumprontahin ang pulis at iparating ang nag-uumapaw nilang galit. Nakiisa sa kanila ang mamamayan sa 20 bansa. Nagkaisa sila sa panawagang Black Lives Matter (may kabuluhan ang buhay ng mga itim) bilang sagot sa rasismo na dinaranas ng mga itim dahil sa kulay ng kanilang balat at katayuan sa lipunang Amerikano. Kabilang sa mga nakiisa ang International League of Peoples’ Struggle. Lumahok naman sa mga protesta ang Anakbayan-USA.
Si Floyd, 46, ay manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa lockdown ng gubyerno ng Minnesota kaugnay ng Covid-19. Inaresto siya ng apat na pulis sa suspetsang pekeng pera ang ipinambayad niya sa tindahan. Namatay siya dulot ng pagluhod ng isang pulis sa kanyang leeg nang halos siyam na minuto. “Hindi ako makahinga” ang huli niyang mga salita. Ito rin ang nadarama ng maraming itim sa US sa tindi ng rasismo at mga rasistang pagpatay sa bansa. Ayon sa awtopsiya, positibo si Floyd sa Covid-19.
Nag-uumapaw na galit
Tumindi ang rasismo partikular laban sa mga itim na Amerikano sa ilalim ng pasistang gubyerno ni US President Donald Trump at panunulsol niya ng pagkamuhi sa mga itim, kababaihan at mga minorya. Sa unang taon pa lamang ng kanyang panunungkulan, tumaas nang 13% ang mga hate crime (mararahas na krimen na itinutulak ng pagkamuhi sa lahi, relihiyon, kasarian, o iba pa). Makabuluhan pang lumaki ang tantos na ito nang sumunod na mga taon, kung saan halos kalahati sa mga biktima ay mga itim.
Mula naman Enero 2015 hanggang Mayo 2020, hindi bababa sa 1,260 itim na Amerikano ang binaril at napatay ng mga pulis. Hindi pa kabilang sa datos na ito ang mga napatay habang nasa kustodiya na nila o pinatay ng pulis sa iba pang kaparaanan, tulad ng naging kaso ni Floyd.
Sa kasaysayan ng US, pana-panahong nagkakaroon ng pagbulwak ng kolektibong galit ng mamamayan dulot ng rasistang pagpatay sa mga itim. Ang mga protesta sa inhustisya sa lahi nitong huli, at partikular sa brutal na pagpatay ng pulis sa mga itim, ay pinasiklab ng magkakasunod na kaso na bumiktima kay Floyd at 83 iba pa sa loob lamang ng taong ito.
Mas malalim na galit
Higit pa rito, ang sumisiklab na mga protesta ay mahigpit na kakabit ng pang-ekonomyang inhustisya na pangunahing nagpapahirap sa mga itim. Lalo itong tumingkad sa panahon ng pandemyang Covid-19, kung saan mahigit 1.8 milyon na ang nagkakasakit sa US, at mahigit 100,000 na ang namamatay.
Sa bilang ng mga nasawi sa Covid-19 sa bansa, aabot sa sangkatlo ay itim, kahit pa 13% lamang sila ng populasyon. Ang ganitong bulnerabilidad ay hindi dulot ng kanilang lahi, kundi epekto ng kabiguan ng gubyernong US na tumugon sa krisis pangkalusugan, at nakatrensera nang mga patakaran sa bansa. Bago pa man kumalat ang sakit ay pinagdurusahan na ng mga itim ang mababang pasahod, kawalan ng serbisyong pangkalusugan, disempleyo, pabahay at iba pang batayang pangangailangan.
Binubuo rin ng mga itim ang malaking bahagi ng mahigit 21 milyong manggagawang Amerikano na nawalan ng trabaho pagsapit ng Mayo. Umaabot na ngayon sa 16% ang tantos ng disempleyo sa US, na mas matindi kesa sa krisis sa pinansya noong 2008. Sa nagpapatuloy na pagtumal ng ekonomya sa US at inaasahang paglubha nito, pinakamabigat ang dagok na daranasin ng mga itim. Ilang ulit na mas nakagagalit sa kanila ang krisis sa kabuhayan kesa sa bayrus o rasismo.
Nagaganap din ang araw-araw na mga protesta sa harap ng pasismo ng gubyernong Trump. Ang mga pagkilos ay nilalahukan hindi lamang ng mga itim kundi ng manggagawa at panggitnang uri mula sa iba’t ibang lahi. Inilantad ni Trump ang sarili bilang malupit na pasista na determinadong patahimikin at sugpuin ang lumalaking mga protesta. Lumilitaw ang pasistang kaibuturan ng gubyernong US habang nalalagas ang mga palamuti nitong burges-demokratiko.
Sa takot na lumawak pa ang mga protesta, inatake ang mga ito ng mga pwersa ng estado gamit ang tear gas, mga gomang punglo, wisik ng kemikal at iba pang mapanupil na paraan. Pinakilos na rin ang National Guard sa maraming lokal na pamahalaan sa US upang palakasin ang pulisya sa pagsupil sa mga ito. Nagpataw din ng mga curfew ngunit hindi nito napigil ang pagdagsa sa kalsada ng galit na mamamayan.
Umabot na sa mahigit 500 ang inaresto, kabilang ang 20 mamamahayag. Puu-puo pang mamamahayag ang tinamaan din ng tear gas, gomang punglo at pepper spray.