Kababaihang Pilipino, pagod at api sa ilalim ng lockdown
Walang kapantay na pinsala ang inabot ng mamamayang Pilipino sa halos tatlong buwang lockdown at matinding kainutilan ni Duterte sa pagharap sa pandemyang Covid-19. Ang kababaihan, laluna ang manggagawang kababaihan, ang pinakapumasan sa hirap na idinulot nito.
Nasa unahan sila ng laban sa Covid-19. Nasa 80% ng mga nars, at malaking bilang ng mga duktor at teknisyan ay babae. Marami sa kanila ang nahawa na at nasa mga kwarantina dulot ng kawalan ng angkop na gamit-pangkaligtasan. Ilampu na ang namatay dahil sa impeksyon. Tinitiis nila ang 12-oras na pagtatrabaho dahil sa kakulangan ng tauhan. Marami ang hindi umuwi sa kanilang mga bahay sa takot na mahawa nila ang kanilang mga anak at pamilya, lalupa’t hindi sila regular na ineeksamen. Sa nakaraang mga buwan, hinaharang sila sa mga tsekpoynt ng pulis at sundalo at pinahirapan sa kawalan ng pampublikong transportasyon. Pinakamasaklap, mas mababa nang 22% ang natatanggap nilang sweldo kumpara sa mga lalaking nars.
Nawalan ng trabaho at kita ang mayorya ng mga manggagawang kababaihan dahil sa lockdown. Ang mga trabahong marami ang babae ay naipit nang magsara ang mga eskwelahan, mall, upisina, hotel at restoran. Ang mga sektor na dali-daling binuksan ni Duterte, tulad ng konstruksyon at mina, ay pawang may trabahong mas maraming lalaki.
Mahigit kalahati ng bilang ng mga impormal na manggagawa ay babae. Nagtatrabaho sila sa mga negosyong pinakaapektado sa lockdown tulad ng mga sari-sari store, parlor, tyangge at karinderya. Noong nakaraang taon, mas maraming babae kaysa lalaki ang nagbukas ng maliliit na negosyo. Malamang lahat ito ay nalugi na ngayon.
Sa mahihirap na komunidad, mga babae ang napipilitang pumila nang matagal para makubra ang kinuripot na ayuda. Noong 2015, apat na milyong babae, kumpara sa 400,000 lalaki, ang nakalista sa programang 4Ps ng DSWD. Sila ang pangunahing snamomroblema kung paano pagkakasyahin ang maliit na ayuda, at kung saan hahagilap ng dagdag na pagkain para sa kanilang mga pamilya.
Sa kanayunan, apektado ang kababaihan sa tuluy-tuloy at papatinding pagsadsad ng produksyon. Mas maraming babae kumpara sa lalaki ang walang lupa. Sa nagdaang mga taon, anim sa bawat sampung babae ang nagtrabaho bilang di bayad na mga manggagawa sa mga agribisnes at sakahan. Pinasidhi ng lockdown ang kanilang sitwasyon lalupa’t wala na silang kita at impok, wala pa silang mabilis na mapagkakakitaan.
Pinatindi ng mga restriksyon sa pagbyahe at kawalan ng trabaho ang kawalang-katiyakan ng kababaihang overseas Filipino worker (OFW). Marami sa kanila na nagtatrabaho bilang kasambahay, tindera at sa iba pang sektor ng serbisyo ay sinisante na ng kanilang mga amo. Umuwi sila sa bansa para lamang mabimbin nang matagal sa mga pasilidad pangkwarantina. Kabilang sa kanila ang mga buntis.
Hindi na napagtuunan ng pansin ang pagkalinga sa mga buntis matapos itransporma ang mga ospital at klinik tungong mga pasilidad pangkagipitan. Napabayaan na rin ang pag-aruga sa mga nagpapasusong ina sa harap ng pagkabatak ng mahinang sistemang pangkalusugan. Maraming bagong ina ang hindi na nakapagpabakuna sa kanilang mga sanggol dahil sa kakulangan ng pondo at rekurso. Pinalala ng lockdown ang dati nang matamlay na pagbabakuna ng mga sanggol laban sa tigdas, diphteria at polio.
Dumoble ang trabaho ng babae sa pagluluto, paglilinis, paghuhugas ng pinggan, paglalaba at pamamalengke. Sa pagitan ng dalawang nagtatrabahong magulang, mas madalas na ang mga nanay ang nagbabawas ng kanilang mga trabahong propesyunal para alagaan ang mga bata o nakatatanda. Kapag ipinatupad na ang pagtuturo sa bahay, ang mga babae ang sasalo sa dagdag na responsibilidad na ito kahit pa may iba silang trabaho.
Sa loob ng mga bahay, walang panangga ang bulnerableng kababaihan laban sa abuso at karahasang sekswal. Nagbabala na ang United Nations na madadagdagan ng 31 milyong kaso ng pang-aabuso sa loob ng mga bahay kung tumagal ng anim na buwan ang lockdown.
Sa ilalim ng anti-kababaihang paghahari ni Duterte, tumataas na ang tantos ng karahasan laban sa kababaihan bago pa man ang lockdown. Sa tala ng pulis, tumaas nang 31% mula 2018 hanggang 2019 ang mga kaso ng panggagahasa, at nang 15% ang mga kaso ng pambubugbog. Kasabay nito, nagtala naman ang DSWD ng 55% pagtaas ng bilang ng mga babaeng dumaranas ng sekswal na pagsasamantala. Lumalabas na ang mga ulat tungkol sa mga pulis na humihingi ng sekswal na mga pabor kapalit ng passes at mga menor de edad na sangkot sa prostitusyon.