Kaltas-buwis ang “donasyon” ng mga bilyunaryo sa panahong Covid-19
Araw-araw, laman ng balita ang ibinibigay na mga “donasyon” ng malalaking negosyong pag-aari ng mga bilyunaryong kapitalistang komprador.
“Narito ang mga kumpanya namin para suportahan ang lahat ng pagsisikap, at patuloy kaming naghahanap ng paraan na makatulong at makasuporta,” deklarasyon ni Kevin Andrew Tan, pinuno ng Alliance Global Group Inc., kumpanyang kumokontrol sa Megaworld, Emperador Inc., Resorts World Manila at McDonalds. Ipinagmalaki niya na nakapagbigay na siya ng P603 milyong “donasyon.”
Ganito din ang pagmamalaki ng iba pang malalaking kumpanya tulad ng SM, San Miguel, Bloomberry, Udenna, Aboitiz, Ayala Group, Globe Telecom, Jollibee, Metro Pacific, Coca-Cola, mga kumpanyang POGO, Filinvest, Okada Manila, TikTok, LBC, Pepsi at PHINMA.
Sa panahon ng pandemya at krisis, masasabing magandang bagay nga na nag-aambag ang lahat, laluna ang mga bilyunaryo, para makatulong sa pagsisikap ng bansa na pangibabawan ang banta ng pagkalat ng Covid-19. Subalit ang tanong ay: Busilak na tulong ba talaga ang ngayo’y aabot na sa P20 bilyon mula sa malalaking kumpanya?
Ang simpleng sagot: Hindi.
Batay sa Revenue Regulation No. 9-2020 na inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR), ang mga donasyong salapi, kagamitan at suplay pangkalusugan, relief goods, at ang pagpapagamit ng mga ari-arian “ay maaaring buong-buong makakaltas sa buwis sa kabuuang kita ng mga nag-ambag na korporasyon o indibidwal.”
Ang mga donasyon ay maaaring ibinigay sa pambansang gubyerno o anumang ahensya nito, kabilang ang mga lokal na gubyerno o mga korporasyon ng gubyerno, o kahit sa mga rehistradong NGO, makataong organisasyon, institusyon o pundasyon. Ibig sabihin, kahit ang mga donasyon nila sa sariling mga pundasyon ay makakaltas sa kanilang buwis.
Kaya ang mga “pakain” ng Jollibee at ng McDonalds, ang mga PPE at relief goods na “bigay” ng malalaking kumpanya, sa aktwal, ay babayaran ng gubyerno sa anyo ng kaltas sa buwis.
Noong Abril 22, inanunsyo ng Department of Transportation na babayaran nito nang P35 milyon si Dennis Uy para sa dalawang buwang pagpapagamit ng dalawang barko ng 2Go bilang pasilidad para sa pagkwarantina sa uuwing mga OFW. Sumunod na araw, nagmalaki si Uy na hindi na siya magpapabayad at siya na lamang ang gagastos. Ang totoo, mas malaki ang makukuha ni Uy kung kakaltasin na lamang na buwis ang sinabi niyang P260 milyong gagastusin niya.
Bukod sa makakaltas na buwis sa kanilang mga donasyon, nagawa rin ng mga kumpanyang ito na patuloy na pagkakitaan ang mga ari-arian nilang natengga sa panahon ng pandemya. Kabilang dito ang mga lote o gusali na ipinagamit sa ipinagmamalaking mga “mega-swabbing” center sa Mall of Asia Arena na pag-aari ng pamilyang Sy, sa Enderun Tent sa Taguig na pag-aari ng Udenna Corporation ni Dennis Uy, at sa Philippine Arena sa Bulacan na pag-aari ng Iglesia Ni Cristo. Sangkot naman sa pagpapatayo ng “mega-swabbing” center sa Palacio de Maynila ang mga Yap, Ayala, Razon at Villar.
Sa mga pahayag ng gubyerno, lubos-lubos ang pasasalamat sa mga kumpanyang ito. Ang totoo, ang “tulong” na ito ay babayaran ng gubyerno sa halagang P511 milyon at papasanin ng mamamayan.
Sa pamamagitan ng mga “donasyon” na ito, nagawa ring maibenta ng malalaking kumpanyang ito ang kanilang mga produkto sa panahon na tigil ang ekonomya at negosyo. Bukod dito, nakakuha rin ang mga kumpanyang ito ng libreng patalastas sa radyo at telebisyon ng gubyerno kung saan araw-araw silang pinasasalamatan.
Para sa mga kapitalista, wala talagang libre o ibinibigay na walang kapalit. Ang mga “donasyon” na idinadaan sa iba’t ibang ahensya ng gubyerno ay puhunang “utang na loob” na maaari nilang singilin sa mga pagkakataong kakailanganin nito ng pabor sa hinaharap. Halimbawa, ipaaalala ng Filinvest Corporate City Foundation ang donasyon nitong mga test kit sa lokal na gubyerno ng Muntinlupa sakaling lumitaw ang mga usapin sa mga pagmamay-ari nitong lupa sa naturang lunsod.
Malaki ang papel ng malalaking kapitalista sa mga programa sa Covid-19 ng rehimeng Duterte. Maging ang pamamahala sa pangangalap at pagpoproseso ng datos ng Department of Health (DOH) ay ikinontrata sa Thinking Machines Inc., isang kumpanyang inirekomenda ng ng Filinvest Corporation.
Ang nakabimbin namang programa para sa contact tracing na staysafe.ph ay ginawa ng Multisys, kasosyo ang iba pang mga pribadong kumpanya. Ang programang ito ay para sa malawakang pagmamanman sa kilos ng mga indibidwal sa ngalan ng pagpapabilis ng contact tracing.