Mga OFW, tinratong parang basura
Mariing kinundena ng Migrante Philippines ang pagpapabaya ng rehimeng Duterte sa umuuwing mga overseas Filipino worker (OFW) na nabimbin sa Metro Manila dahil sa pandemyang Covid-19. Nasa 24,000 sa kanila ang uminda ng mahabang pagkakakulong sa mga pasilidad pangkwarantina dahil sa mabagal na testing at pagproseso ng kanilang mga resulta. Isang migrante na ang nagpakamatay. Isang grupo naman ang matagal na pinaghintay sa paliparan malapit kung saan nakatambak ang basura, dahilan kung bakit sinabi ng Migrante na tinatrato sila ng rehimen na parang basura.
Mula Abril, umabot na sa 36,000 migranteng Pilipino ang bumalik ng bansa. Nasa 24,000 sa kanila ang dalawang buwang nakakulong sa mga siksikang kwarantina kung saan hindi maiwasan ang pagkakahawaan. Walang ipinamahaging ayudang pinansyal at pagkain ang Overseas Workers Welfare Administration sa kanila. Walang ibinigay na mga gamit pangkaligtasan at sanitasyon. Sa desperasyong makauwi, ilan sa kanila ay nagbayad ng P4,500 para maeksamen ng Philippine Red Cross. Gayunpaman, marami sa mga idineklarang negatibo sa sakit ay lumabas na positibo nang i-eksamen sila pagdating sa kani-kanilang mga prubinsya.
Lalala pa ang ganitong kalagayan sa pagdating ng 42,000 OFW sa susunod na mga buwan. Tinatayang 400,000 nang OFW ang nawalan ng trabaho dulot ng resesyong dala ng pandemya. Inamin ng hepe ng National Task Force-Covid 19 na si Gen. Carlito Galvez Jr. na hindi sila handa para sa ganito kalaking bilang ng mga OFW.
Sa iba’t ibang bahagi ng mundo, mahigit 5,300 nang migranteng manggagawang Pilipino ang nagpositibo sa Covid-19. Nasa 357 na sa kanila ang namamatay. Mas marami pa ang nakulong sa kani-kanilang mga pinagtatrabahuan dulot ng mga lockdown. Wala silang ayuda at pagkain at nagmamakaawa na para tulungan silang makauwi. Pananagutan ito ng mga heneral ni Duterte na nangunguna sa palpak na pagharap ng rehimen sa Covid-19.