Sosyalismo at pangangalaga sa kalusugan
Ang konsepto ng responsibilidad ng gubyerno sa pangangalaga sa kalusugan ng mamamayan ay unang itinaguyod ng Russia (kalaunan ang pederasyong Soviet Union) sa ilalim ng sosyalistang estado at pamumuno ng lider komunistang si Vladimir Lenin. Noong 1920, idineklara niya: “Sinimulan natin ang isang dakilang gera, isang gerang di natin kaagad tatapusin. Ito’y isang walang dugong gerang isinusulong ng mga hukbo ng manggagawa laban sa gutom, ginaw at tipus, isang gera para sa isang mulat, matalino, may sapat na pagkain at malusog na Russia.”
Bago naitatag ang sosyalismo sa Russia, walang bansa ang may sistema para sa panlipunang pangangalaga sa kalusugan. Laganap noon ang sakit at mga epidemya ng nakahahawang sakit dahil sa karaniwa’y kalunus-lunos, marumi at siksikang tirahan ng mga manggagawa at masang anakpawis. Ang mga duktor ay kani-kanya, o kaya’y pinopondohan ng mga pangkawanggawa o relihiyosong institusyon. Marami sa mga tao ang di nakatatanggap ng atensyong medikal.
Binago ito ng sosyalismo kung saan ang kalusugan ng bayan ay itinuring na responsibilidad ng estado. Sa gitna ng pandemyang Spanish flu, sinimulan ng Soviet Union noong 1919 ang sentralisadong serbisyong pangkalusugan para sa lahat. Itinayo ang People’s Comissariat for Public Health para mangalaga sa kalusugan ng mamamayan.
Noon 1924, idineklara ng gubyernong Sobyet ang pananaw na ang mga duktor “ay dapat may kakayahang aralin ang kalagayang pamproduksyon at panlipunan kung bakit lumilitaw ang sakit hindi lamang para gamutin ang sakit, kundi para tukuyin ang mga paraan na iwasan ito.”
Sumunod sa yapak ng Soviet Union ang mga kapitalistang bansa sa Europe at ibang bahagi ng mundo. Naging saligang tatak ito ng sosyalistang sistema noon sa China at sa malaking bahagi ng mundo. Ang halimbawa ng Soviet Union ay naging inspirasyon ng mga manggagawa at masang anakpawis sa buong mundo para bagtasin ang landas ng sosyalistang rebolusyon.
Sa US at maging sa dating mga sosyalistang bansa, ilang dekada nang binabakbak ng neoliberalismo ang sistema ng pampublikong pangkalusugan. Dahil dito, ang higit na nakararaming mamamayan ay di nakatatanggap ng sapat na serbisyong pangkalusugan. Sa Cuba na lamang, at ilang bansang patuloy na nagtataguyod sa sosyalismo, makikita ang mayabong na sistema ng pangangalaga ng estado sa pampublikong kalusugan.
Ipinakikita ng pandemyang Covid-19 hindi lamang ang pangangailangan para palakasin ang sistema ng pampublikong kalusugan, kundi ang itatag ang isang tunay na demokratikong estado na tunay na magpaprayoridad at mangangalaga sa interes at kagalingan ng sambayanan.