Utang ng bansa, umabot na sa P8.7 trilyon
Sinasamantala ng adik sa utang na rehimeng Duterte ang pandemyang Covid-19 para makakuha ng malalaking pautang sa tabing ng muling pagpapasikad sa ekonomya at pagbibigay ng pangkagipitang ayuda. Sa loob lamang ng tatlong buwan, umutang ang rehimen ng $5.5 bilyon (P275 bilyon) mula sa mga bangko at imperyalistang institusyong pampinansya. Dahil dito, umabot na sa P8.7 bilyon ang pambansang utang na babayaran ng mamamayan. Nangangahulugan ito ng P79,945 na utang ng kada Pilipino, mas mataas ng 27% kumpara noong unang maupo si Duterte sa poder.
Pinakahuli sa mga utang ang $750 milyon (P37.5 bilyon) ng rehimen mula sa Asian Infrastructure Investment Bank at Asian Development Bank (ADB). Nauna na rito ang $1.7 bilyon (P85 bilyon) mula sa ADB at $700 million (P35 billion mula sa World Bank. Nakatakda ring magbenta ang rehimen ng mga bono o papeles sa pangungutang nang hanggang $2.35 bilyon (P117.5 bilyon).