88th IB, pinalalayas ng mga Lumad sa Bukidnon
Naging mainit ang kumprontasyon sa pagitan ng mga Lumad at mga upisyal ng 88th IB sa isang dayalogo na ginanap noong Hunyo 13 sa Cabanglasan, Bukidnon. Pinalalayas ng mga Lumad dito ang yunit militar dahil sa matagal nilang pananatili at panggigipit sa kanilang mga komunidad. Okupado ng mga sundalo ang mga komunidad ng Eyaray, Lakap, Katablaran, Salorenga, Maynaga, Tombaga, San Vicente at Kahen. Dinaluhan ang dayalogo ng lokal na upisyal ng Cabanglasan, mga kapitan ng barangay at 200 mga residente mula sa mga barangay ng Kanangaan, Iba at Manggaod, kasama ang tatlo nilang datu. Ito ang una sa ganitong klaseng kumprontasyon sa naturang lugar.
Sa isang interbyu sa lokal na radyo, ikinwento ni Datu Konrado Salimbon na sa nakaraan, nagpagamit sila sa AFP bilang pwersang paramilitar na Alamara at Bagani. Madalas silang ginawang pambala ng kanyon bilang mga giya sa mga operasyong kombat ng mga regular na platun ng AFP laban sa Bagong Hukbong Bayan. Dahil imbwelto sila sa mga kontra-Lumad na aktibidad, nawasak ang kanilang mga komunidad at nabuwag ang pagkakaisa ng kanilang tribu. Sa loob ng dalawang dekada, wala silang maayos na kabuhayan at madalas ang “lido” o pag-aaway-away sa kanilang hanay. Ginamit pa sila ng militar para magtanim ng ekta-ektaryang marijuana sa kanilang lupang ninuno sa Pantaron.
Pero dahil sa panggigipit ng 88th IB, nabuo ang kanilang pagkakaisa na kumawala sa panlilinlang at pagsasamantala ng AFP. Napagkaisahan nilang magpahayag ng kanilang mga saloobin at hindi sila nagpatalo sa mga tangka ng mga sundalo na harangin ang paglabas nila sa komunidad. Matagumpay nilang naigiit na makipagdayalogo kasama ang lokal na gubyerno sa gitna ng matitinding nakapokus na operasyong militar sa kanilang lugar.
Inireklamo ng mga Lumad dito ang pagpapatawag ng 88th IB ng dala-dalawang mga residente para pwersahin silang “sumurender” bilang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan. Lalong nagalit ang mga Lumad sa ipinagpipilitan ng militar na para sa kanilang kapakanan ang okupasyon ng mga sundalo. Sa kadulu-duluhan, inamin din ng 88th IB na kinampuhan nila ang mga komunidad dahil mga Pulang mandirigma ang tingin nila sa mga sibilyang Lumad.
Erya ng mga operasyon ng 88th IB ang mga munisipalidad ng Valencia, San Fernando, Quezon, Maramag at Kitaotao. Sa mga lugar na ito marami ang kaso ng mga paglabag sa karapatang-tao. Mula Enero 2019, naiulat ng Ang Bayan ang pitong ekstrahudisyal na pamamaslang at 112 pang-aaresto sa nasabing mga bayan. Nagkaroon din ng dalawang insidente ng pambobomba malapit sa mga komunidad na nagtulak sa hindi bababa sa 3,509 katao na magbakwit. Noong Mayo 15, sinaklaw na ng 88th IB ang Cabanglasan matapos ideklara ng 4th ID na naggapi na ang Pulang hukbo sa unang nabanggit na mga bayan.