Daanlibong propesyunal, nagdurusa dahil sa lockdown
Daanlibong propesyunal at manggagawa sa serbisyo ang patuloy na nagdurusa dahil sa pagpapabaya sa kanila ng rehimeng Duterte sa panahon ng lockdown hanggang sa kasalukuyan. Nawalan sila ng kita nang ipasara ang mga eskwelahan, upisina, sinehan at upisina. Kabilang dito ang 50,000 guro sa mga unibersidad at kolehiyo at 500,000 manggagawa sa edukasyon sa pribadong mga paaralan. Dagdag sa kanila ang mahigit 800,000 manggagawa sa pelikula, arte at sining.
Mayorya sa kanila ay “no work, no pay” o walang sahod kung walang trabaho. Sa kabila nito, Hindi sila saklaw sa kakarampot na pondong ayuda at kumpensasyon ng rehimen.
Ang mga guro sa pribadong kolehiyo ay hindi sumusweldo mula pa Marso. Wala silang sweldo hanggang walang pasok ang mga kolehiyo. Marami sa mga guro at manggagawa sa mga pribadong paaralan ay wala nang natatanggap mula pa kalagitnaan ng Abril. Nanganganib silang mawalan ng trabaho, laluna ang mga empleyado ng maliliit na paaralan, dahil sa tinatayang 75% na pagbagsak ng enrolment sa mga pribadong eskwelahan.