Kontra-mahirap na plano sa edukasyon
Walang malasakit at paghahanda. Ito ang bwelta ng milyun-milyong magulang at libu-libong guro kay Rodrigo Duterte at kanyang mga upisyal sa edukasyon kaugnay sa ipinipilit nitong “distance learning” sa pasukan. “Alanganin ang pamamaraang online, modular, telebisyon, radyo at laptop kasi di pare-pareho ang kalagayan ng mga pamilya,” ayon sa isang nanay na myembro ng Amihan, organisasyon ng mga babaeng magsasaka. “Wala na ngang pambili ng pagkain, gadget pa kaya,” ayon pa sa grupo. Sa maraming lugar sa kanayunan, walang internet at mga gadget ang kalakhan ng mamamayan, wala ring telebisyon at radyo. May mga lugar pa na walang kuryente.
Sa “distance learning” ng Department of Education, ipagpapatuloy ang mga klase nang hindi binubuksan ang mga eskwelahan. Ito ay matapos ideklara ni Duterte na walang magaganap na “face-to-face” o harap-harapang klase sa lahat ng lugar at antas hanggang walang bakuna laban sa Covid-19. Maaari diumanong pumili ang mga magulang sa tatlong tipo ng pagtuturo: ang modular, online at TV/Radio-based instruction. Sa “modular distance learning,” kukuha ang mga magulang sa mga paaralan ng mga materyal, sa anyong digital o nakaimprenta, na kanya-kanyang pag-aaralan ng mga estudyante. Sa “online,” lahat ng materyal ay idadaan sa internet, habang sa pangatlong tipo, panonoorin o pakikinggan lamang ng mga estudyante ang mga aralin sa telebisyon o radyo. Sa lahat ng ito, babalikatin ng mga nanay o sinumang myembro ng pamilya ang pagtuturo sa mga bata. Nasa balikat naman ng mga guro ang paghahanda ng mga materyal, paghagilap ng mga gadget para sa mga klaseng online at gastos sa internet na kailangan para rito.
Isa sa mga problemado si Joy, isang kontraktwal na may dalawang anak sa elementarya. Wala silang gadget sa bahay, liban sa isang selpon na ginagamit niya sa trabaho bilang sekretarya ng isang klinik. “No work, no pay” at sumasahod lamang siya ng P15,000 kada buwan. Modular ang tipo na naisip niyang pamamaraan pero namomroblema siya kung paano matututo ang kanyang mga anak nang walang guro at walang kasama sa bahay dahil buong araw siyang nasa trabaho.
Problemado rin ang mga guro. Isang grupo ng mga titser sa Maco Valley, Davao de Oro ang napilitang magkampo sa gilid ng daan dahil doon lamang may signal ng internet para sa ipinatawag ng DepEd na webinar o seminar sa pamamagitan ng internet. Batid ng mga estudyante, laluna ng mula sa mahihirap na pamilya, ang mataas ng gastos ng gayong tipo ng instruksyon. Isang 19-taong gulang na estudyante na ang nagpakamatay dala ng pamomroblema kung saan siya kukuha ng pera para pang-load ng kanyang selpon.
Kontra-mahirap at hungkag
Itinutulak ng “distance learning” ang maraming bata at kabataan na tumigil sa pag-aaral. Tinatayang 55% o 15.2 milyon lamang sa 27.7 milyong mag-aaral na nag-enrol noong 2019 ang papasok ngayong taon. Bumaba na ang bilang ng mga nagpalista mula 6.3 milyon noong unang linggo ng Hunyo tungong 4.2 milyon sa pangalawang linggo. Sa bilang na ito, 319,000 lamang ang nagpalista sa mga pribadong paaralan o 7.6% sa kabuuang 4.2 milyong estudyante noong nakaraang taon. Tinatayang hindi aabot sa 1 milyon ang magpapalista sa mga pribadong paaralan ngayong taon.
Sinasabing lampas sa populasyon ng bansa ang bilang ng naibentang mga selpon (117 milyon kontra sa 110 milyong Pilipino). Pero konsentrado ito sa mga syudad at kalahati lamang sa mga ito ang maaring gamitin pang-internet. Mayorya sa may internet (80%) ay naka-subscribe sa pinakamurang klase na limitado, paputol-putol at lubhang mabagal. Sa pinakamurang pang-estudyanteng internet na P50 para sa tatlong araw na kuneksyon, minimum na P500/buwan pa rin ang kailangang gastusin ng bawat estudyante. Kung hindi laptop (P18,000), kailangang bilhan ng selpon o tablet na may kakayahang mag-internet (P2,500) ang mga estudyante.
Sa kabuuan, hindi bababa sa P110.8 bilyon ang gastos para sa “distance learning” para sa tatlong buwan pa lamang. Minimum na P69.25 bilyon ang kakailanganin para magkaroon ng gadget ang bawat mag-aaral. Ang gastos naman para sa internet ay aabot sa P41.55 bilyon. Wala pa rito ang mga gadget na kinakailangan ng mga guro tulad ng laptop, gayundin ang kailangan nilang (P1,500/buwan). Tatabo ng tubo sa “distance learning” ang mga kumpanya ng selpon at internet. Kung hindi direktang gagastusan ng mga magulang, gagastusan ito ng mga lokal na gubyerno gamit ang pondo ng bayan. Kung “ipamimigay” naman ang mga ito ng mga kumpanya, ibabawas sa babayaran nilang buwis ang halaga ng kanilang “donasyon.”
Sa kabilang banda, aabutin lamang ng P37 bilyon ang minimum na paghahandang pangkalusugan para gawing ligtas na mabuksan ang mga paaralan alinsunod sa taya ng DepEd. Kakumbina sa mass testing ng mga guro at empleyado (maksimum na P6.5 bilyon para sa tatlong buwan) at iba pang pag-aangkop sa laki, haba at dalas ng mga klase, mas bentahe at mas mababa ang gastos ng kontroladong pagbubukas ng mga paaralan at pagsasagawa ng harap-harapang klase laluna sa mga lugar kung saan hindi laganap ang Covid-19.
Gayunpaman, dapat sabayan ang mga hakbang pangkalusugan ng masasaklaw na pagbabago para lutasin ang deka-dekada nang problema sa sistema ng edukasyon. Hindi madaling isagawa ang tamang pagdidistansya sa mga paaralang kulang sa klasrum, upuan at mesa. Noong 2019, nasa 800,000 bagong klasrum ang kailangang itayo, ayon sa DepEd. Kulang na kulang ang mga palikuran, sistema ng tubig at iba pang pasilidad pangsanitasyon.
Hindi sapat ang bilang ng mga guro, nars at iba pang empleyado sa paaralan na maaaring magsalit-salitan kung kinakailangan. Hanggang 10,000 lamang na guro ang planong idagdag ng DepEd para sa kasalukuyang taon, gayong nasa 81,000 na mga guro ang kulang noon pang 2018.
Sa kabuuan, 30 milyon estudyante, guro at iba pang empleyado sa mababang paaralan at hayskul ang apektado sa kawalang malasakit at paghahanda ni Rodrigo Duterte. Inilantad ng pandemya hindi lamang ang kainutilan ng rehimen sa pagtugon sa pangangailangan at karapatan ng ng mga bata at kabataan kundi pati ang atrasado at bulok na sistema sa edukasyon sa bansa.