Mag-alsa at wakasan ang pahirap at pabayang rehimeng US-Duterte
Lalong lumalala ang dating di pagkakapantay-pantay sa lipunang Pilipino kasabay ng pagtalim ng mga kontradiksyon dahil sa militarista at anti-mamamayang pagharap ng rehimeng Duterte sa pandemyang Covid-19. Habang ang iilan ay nasa mga mansyon at palasyong malayo sa sakit, patuloy na nagkakamal ng yaman, nag-aabuso ng kapangyarihan at nabubundat sa pawis at dugo ng anakpawis, milyun-milyong mamamayan naman ang sadlak sa gutom at labis na karukhaan.
Humihiyaw ng katarungan ang bayan para sa lahat ng ginugutom, pinahihirapan, sinisiil at pinagkakaitan ng karapatan. Sa mahigit tatlong buwan ng mga palyadong hakbangin at patakaran, walang kaparis na pagdurusa ang dinanas ng sambayanang Pilipino.
Sa loob ng halos tatlong buwan, ikinulong ni Duterte ang buong bayan sa kanilang maiinit na bahay sa ngalan ng pag-iwas sa pagkalat ng bayrus. Pero ang sakripisyong ito ay winaldas lamang ni Duterte at kanyang mga heneral. Hindi sapat ang inilaang pondo para makaagapay ang sistemang pangkalusugan sa pandemya. Walang libreng mass testing. Walang libreng paggamot sa Covid-19. Palyado at atrasado ang pagtipon ng impormasyon, kaya bulag ang gubyerno kung saan-saan kumakalat ang bayrus.
Huling-huli na ngang dumating, kulang na kulang at madalas kinakaltasan pa ang pangakong ayuda. “Sarap ng buhay,” sambit ng isang senador habang sila’y nagpipiging at umaapaw sa pagkain ang kanilang imbakan, pinagtiis ang bayan na mabuhay sa lugaw at sardinas kung meron man. Sinaklot ng gutom at pangamba ang mayorya ng mamamayang nabubuhay nang isang kahig-isang tuka. Ang mga kapit-sa-patalim na naghanap ng pagkakakitaan at makakain ay binansagang “pasaway,” pinagdadadakip at buong lupit na pinarusahan.
Dahil walang malinaw na planong pangkalusugan para pangibabawan ang pandemya, ipinahinto ni Duterte ang lahat at tatlong buwang ipinasara ang malaking bahagi ng ekonomya. Milyun-milyon ang nawalan ng trabaho at kita. Nagkandawasak ang kabuhayan ng maliliit na negosyante. At nang ipag-utos na luwagan ang mga lockdown nitong Hunyo, ginawa ang lahat upang tumakbo muli ang negosyo ng malalaking kapitalista, habang pinabayaan ang masang anakpawis na animo’y sinumbatang “bahala na kayo!”
Habang malupit na pinasusunod ang mamamayan sa mga nakasasakal na patakaran ng paghihigpit, maluwag namang nakahihinga at nakagagalaw si Duterte at ang kanyang mga bulok na upisyal.
Habang paroo’t parito si Duterte sa Davao sakay ng pribadong eroplano, daan-daang libong mamamayan ang walang masakyan. Pinagtitiis silang mag-abang sa bangketa at mga kalsada, gutom at walang kaseguruhan kung kailan makasasakay o makauuwi. Sinong makalilimot kay Michelle Silvertino na namatay matapos ang limang araw na paghihintay ng masasakyan pauwi sa Bicol sa ilalim ng isang tulay sa Pasay?
Araw-araw, nagkakandarapang mag-unahan at magsiksikan ang mga manggagawa at empleyado dahil kulang na kulang ang masasakyang bus o tren. Dahil hindi inasikaso ang paghahanda ng ligtas at sapat na pangmasang transportasyon, libu-libo ngayon ang obligadong maglakad o magbisikleta araw-araw sa peligrosong mga haywey.
Kulang na kulang na nga ang sahod ng mga manggagawa, pinahintulutan pa ni Duterte ang malalaking kapitalista na kaltasan ito para diumano makabawi sila sa kanilang tubo. Hindi rin sila inobliga na ipailalim sa libreng pag-eeksamen ang mga manggagawa para tukuyin ang posibleng pagkahawa sa Covid-19.
Nagwawalambahala si Duterte sa gitna ng milyun-milyong nawalan ng hanapbuhay. Walang ginagawa upang agapan ang pagbulusok ng kanilang kabuhayan.
Habang pahihintulutang pumasada ang mga “modernong” dyip na pag-aari ng malalaking korporasyon, patuloy na pinagbabawalan ang daan-daan libong dyip ng maliliit na drayber at opereytor. Bingi si Duterte sa sigaw ng karaniwang mga drayber para sa subsidyo upang tiyaking ligtas na makabiyahe ang mga dyip, kahit pa ang totoo’y mas ligtas ang mga dyip at traysikel kaysa mga saradong sasakyan. Animo’y pinagsisisipa sila ni Duterte. Ang mga “hari ng kalsada” ngayo’y nagmamakaawa at namamalimos sa lansangan.
Habang nagkukumahog si Duterte na mag-angkat na naman ng tone-toneladang bigas sa mga bansang nagsusubsidyo ng produksyong agrikultural, kulang na kulang naman ang pondong inilaan para tulungan ang produksyon ng masang mga magsasakang Pilipino at bilhin ang kanilang produkto.
Milyun-milyon ngayon ang pineperwisyo at pinahihirapan ng kung anu-anong hinihingi ng pulis sa mga kumukuha ng permit para makabyahe o makauwi sa kanilang mga prubinsya o rehiyon.
Dahil tumatangging maglaan ng sapat na pondo para gawing ligtas na buksan ang mga paaralan (dagdag na mga paaralan, klasrum, mga guro, at iba pang imprastrukturang pang-edukasyon), ipinag-utos ni Duterte na walang idadaos na klase sa mga darating na buwan. Sa halip, idadaan na lang diumano sa internet ang pagtuturo, gayong wala naman itong inilalaang pondo at ipababalikat sa mga titser at estudyante ang gastos para sa mga kompyuter, internet at iba pang kagamitan.
Milyun-milyong kabataan ang nangangamba sa planong pagtataas ng matrikula ng maraming paaralan, habang kulang na kulang ang subsidyo ng estado sa edukasyon. Biktima rin sila ng arbitraryong paghihigpit laban sa mga 16-21 taong-gulang na lumabas para maghanap ng trabaho o pagkakakitaan at lumahok sa iba’t ibang aktibidad panlipunan.
Sa halip na bawasan ang sobrang laking gastos sa mga di produktibo proyektong pang-imprastrukturang pinondohan ng dayong pautang, ang bilyun-bilyong pisong sikretong badyet pang-intelidyens, ang daan-daang bilyong pisong pambili ng mga helikopter, mga bomba at kagamitang pandigma, pinili ng rehimeng Duterte na mangutang nang mangutang upang tustusan ang mga gastusin sa panahon ng pandemya.
Ang bigat ng pasanin ng pagbabayad-utang ay tagibang na nasa balikat ng bayan. Sa halip na dagdagan, binabawasan pa ng rehimeng Duterte ang buwis sa mga bilyunaryong malalaking kapitalista; at balak na ipasa ang bigat sa mga karaniwang kumikita. Kahit sandali at kahit kaunti, tumatanggi ang rehimen na ibsan ang mga pasaning buwis ng bayang naghihikahos.
Sa nagdaang tatlong buwan ng pandemyang Covid-19, lalong nalantad ang anti-mamamayang rehimeng Duterte sa pagtanggi nitong unahin ang interes ng bayan at pagprayoridad nito, sa halip, sa interes ng malalaking kapitalista at pagbubulsa ng malaking pondo ng bayan. Inamin ni Duterte mismo na siya ang nag-utos sa pagbili ng mga kagamitang sobra-sobra ang patong sa presyo. Dagdag dito, inuna niya ang Anti-Terror Bill, ang pagpapatahimik sa mga kritiko, at pagpapalakas sa kanyang pwersang militar sa hangaring sindakin ang bayan, sikilin ang demokrasya at panatilihin ang sarili bilang makapangyarihang diktador.
Sa nagdaang tatlong buwan, lalong kumulo ang dugo ng bayan at umipon sa kanilang dibdib ang sukdulang galit sa rehimeng Duterte. Unti-unti nilang iwinawaksi ang takot at ipinamamalas ang tapang at kahandaang lumaban.
Nasa sambayanang Pilipino ang lahat ng katwiran para mag-alsa at makibaka. Tungkulin ng buong bayan na magkaisa upang gamitin ang kanilang kapangyarihan at pangkasaysayang tungkuling itakda ang dapat na takbo ng lipunang Pilipino. Mabilis ngayong umiipon ang unos. Dapat sunggaban ang panahon at pagkakataon nang buong galit laban sa korapsyon, pagpapabaya, pasismo at pagtatraydor ng rehimeng Duterte at wakasan ang kanyang diktadura.