Milyong OFW, istranded sa ibang bansa
Dati nang basura ang turing ng reaksyunaryong estado sa mga overseas Filipino worker o OFW. Lalo itong tumingkad sa panahon ng pandemya. Noong Hunyo 16, 14 na Pilipinong gusto nang umuwi ang pinigilan ng rehimeng Duterte na makaalis ng Amsterdam, The Netherlands dahil kulang ang pasilidad pangkwarantina para sa kanila sa Pilipinas. Ayon sa naturang mga migranteng manggagawa, sinabihan silang hanggang 1,000 lamang na migrante kada araw ang pinapayagan ni Rodrigo Duterte na umuwi sa bansa.
Kabilang ang 14 sa milyun-milyong migranteng Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo na nagdurusa ngayon dahil sa kapabayaan ng rehimeng Duterte. Sa mga bansa sa Asia Pacific, marami sa mga migrante ay nasa sektor pangkalusugan at serbisyo. Araw-araw silang namemeligro na mahawa ng Covid-19. Hindi ligtas maging mga kasambahay laluna sa Hong Kong, Macau, Taiwan at Singapore.
Walang kumprehensibong programa ang gubyerno para bigyan sila ng proteksyon. Sa Hong Kong, ang mga OFW na ang bumili ng sarili nilang mga pangangailangang medikal tulad ng mga face mask at alkohol. Sa South Korea, kailangan pang pilitin ng mga migrante ang mga Pilipinong upisyal para mamahagi ng mga face mask. Libu-libong Pilipino rin na nagtatrabaho sa mga barko ang nakakulong malapit sa mga pantalan sa Australia dahil pinagbawalan silang dumaong. Walang balak ang rehimen na bigyan sila ng libreng pag-eksamen o saluhin ang pagpapa-ospital sa mga nagkakasakit sa kanila.
Dahil sa kapabayaang ito, umaabot na sa mahigit 6,000 OFW ang nahawaan ng Covid-19 sa may 51 bansa. Mahigit 440 na rin ang nasawi. Sa bawat tatlong Pilipino na namamatay sa Covid-19 sa loob at labas ng bansa, isa sa kanila ay OFW. Pinakamataas ang bilang ng mga namatay sa Middle East, kung saan 4,000 ang nahawang mga OFW. Marami sa kanila ang nagmamakaawa na sa mga embahada ng Pilipinas dahil wala na silang makain. Sa ibang bahagi ng mundo, tatlo na ang nagpakamatay dahil sa desperasyon dulot ng pagkawala ng trabaho.
Wala ring seryosong plano ang rehimeng Duterte sa paglutas sa dambuhalang kawalan ng trabaho na idinulot ng Covid-19 sa mga migrante. Sa kabila ng daan-daang bilyong pisong inutang, naglaan lamang si Duterte ng P1.5 bilyon para sa mga mawawalan ng trabaho. Dahil sa lubhang kapos na badyet, mabilis na natapos ang pagbibigay ng tig-P10,000 ayudang pinansyal sa kanila.
Marami sa mga humingi ng ayuda ay hindi nabigyan dahil limitado ito sa mga migranteng nasa 29 na bansa. Hindi ibinilang ang mga migrante sa mahigit 190 iba pang bansa at teritoryo, na karamihan ay pansamantala lamang ang trabaho, mga trainee, estudyante, turista at mga manggagawang hindi dokumentado. Hindi rin saklaw ng ayuda ang iniwan nilang mga pamilya sa Pilipinas.
Sa pinaliit na taya ng DOLE, 700,000 hanggang isang milyon ang mga migranteng mawawalan ng trabaho ngayong taon. Pero alinsunod sa taya ng International Labor Organization noong Abril, maaaring umabot sa 5 milyong migrante ang mawawalan ng trabaho dulot ng pandemya. Ito ay dahil pinakamalubhang tinamaan ng disempleyo ang mga sektor ng pagkain at akomodasyon, pagtitingi at wholesale, pagmamanupaktura, at pang-negosyong serbisyo at pamamahala. Umaabot ng 43% ng lahat ng migranteng Pilipino ay nasa mga sektor na ito. Sa gitna ng lahat ng ito, binalak pa ng rehimen na dagdagan ng 3% ang sinisingil na kontribusyon sa Philhealth ng mga migrante.