Pagpatay, pang-aaresto at pang-aatake, laganap kahit hindi pa naipapasa ang ATB
Dalawang sibilyan ang pinatay at pito ang iligal na inaresto ng mga elemento ng estado sa nakaraang dalawang linggo.
Pinatay sa pamamaril si Harold Tablazan, kagawad ng Sanggunian Kabataan, sa Sityo Passi, Barangay Mayang, Tubungan, Iloilo noong Hunyo 20. Dating aktibo sa Federation of Iloilo Farmers Association si Tablazan at kasalukuyang nagtatrabaho sa isla. Kasamang napatay si Glenn Bunda, tagapangulo ng SK ng kanilang barangay.
Sa Negros Occidental, iligal na inaresto ng mga pulis at 79th IB noong Hunyo 12, ang aktibistang si Gaspar Davao sa isang tsekpoynt sa Barangay Caduha-an, Cadiz City. Pinalabas ng pulis na mayroon siyang sakit na Covid-19. Habang nakadetine, tinamnan ng mga pulis ng granada ang kanyang bag. Si Davao ay organisador ng National Federation of Sugar Workers at matagal nang pinararatangang tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Iniharap siya ng AFP sa midya bilang lider umano ng BHB.
Sa Gonzaga, Cagayan, inaresto noong Hunyo 10 ang mga magsasakang sina Rolando Reyes, 40, at Ranchi Tubban, 19. Hinarang sa isang tsekpoynt at hinalughog ng mga elemento ng Marine Battalion Landing Team 10 at Cagayan PNP Provincial Mobile Force Company ang kanilang sasakyan sa Centro Gonzaga. Tinamnan ng granada ang kanilang sasakyan. May inihatid lamang na mga istranded na pasahero sa kasunod na bayan ang mga biktima.
Noong Hunyo 12 sa North Cotabato, dinukot ng PNP, 73rd IB at 39th IB ang mag-aamang Lumad na sina Mongkel Tacalan, 66, at kanyang dalawang anak habang pauwi mula sa Mindanao Interfaith Services Foundation Incorporated Barangay Kisante, Makilala, North Cotabato. Limang araw silang idinetine ng 39th IB bago inilitaw noong Hunyo 17.
Dinukot din ng anim na armadong elemento ng estado si Elena Tijamo sa kanyang bahay sa Barangay Kampingganon, Bantayan, Cebu noong Hunyo 13. Koordineytor siya ng Sustainable Agriculture at radyong pangkomunidad ng Farmers Development Center (Fardec) si Tijamo. Ang Fardec ay institusyong tumutulong sa mga magsasaka. Myembro siya ng International Association of Women in Radio and Television Philippines na nagpapatakbo ng Radio Sugbuanon. Hindi pa rin siya inililitaw hanggang sa kasalukuyan.
Samantala, tatlong magsasaka sa Tayasan, Negros Oriental ang inatake ng mga sundalo noong Hunyo 15, alas-5 ng umaga. Kinilala ang mga biktima na sina Dodoy Perez, 51, Quiting Amad, at isa pang hindi pinangalanan. Ang mga biktima ay residente ng Barangay Laguit ng nasabing bayan. Binugbog ng mga sundalo si Perez at isa pang kababaryo, samantalang si Amad naman ay pinagsasaksak ng anim na lalaking naka-bonnet na kasama ng mga sundalo.
Ang mga residente sa mga barangay ng Tayasan ay mariing tumututol sa planong pagpasok ng mapanirang kumpanya sa mina sa kanilang lugar. Kabilang din sa sasaklawin ng mina ang mga bayan ng Basay, Ayungon, Bindoy, Jimalalud, La Libertad at Guihulngan. Isa sa mga pakay ng pagbabalik ng 11th IB sa prubinsya noong Hunyo 2019 ay para supilin ang paglaban ng mga residente sa naturang proyekto.