Pilipinas, pinalilibutan ng mga barkong pandigmang US at China
Matatagpuan ngayon sa silangan at kanlurang bahagi ng Pilipinas ang mga barkong pandigma ng US at China. Kapwa naggigirian ang mga ito. Tumataas ang tensyon at bantang sumiklab ang gera. Malaki ang peligro na malagay ang Pilipinas sa gitna ng armadong tunggalian ng dalawang kapangyarihang imperyalista.
Sa West Philippine Sea, permanenteng naka-istasyon ang mga barkong Coast Guard at “milisya” ng China. Naroon din ang di bababa sa pitong mga base at pasilidad militar ng China na ang iba’y itinayo sa mga lugar na saklaw ng teritoryo ng Pilipinas.
Sa Philippine Sea naman (sa silangan ng bansa), nag-iikot ngayon ang dalawang US carrier strike group (armada ng malalaki at mas maliliit na barkong pandigma) at mga submarino. Hindi nalalayo sa karagatan ng bansa nakatigil ang isa pang warship, ang USS Nimitz.
Mula Abril hanggang Mayo, sa gitna ng pandemyang Covid-19, nagmaniobra at kontra-maniobra sa South China Sea ang mga pwersang militar ng US at China. Noong kalagitnaan ng Abril, ipinakat doon ng China ang Haiyang Dizhi 8 na barkong pangsarbey ng mga yamang mineral sa dagat kasama ang isang kawan ng mga barkong coast guard at “milisya.”
Tumaas ang tensyong militar sa lugar noong Abril 28-29 nang pinadala ng militar ng US ang USS Gabrielle Giffords, isang pandigmang barkong pambaybaying-dagat, para “magpatrulya” sa lugar. Lalo pang lumala ang tensyon noong Abril 29 nang pinalipad ng US sa South China Sea ang dalawang US Air Force B-1B Lancer, mga eroplanong naghuhulog ng bomba, na nagmula pa sa US.
Sa unang mga araw ng Mayo, pinadala naman ng US sa lugar ang dalawang barkong pandigma, ang USS Montgomery at USNS Cesar Chaves. Noong Mayo 8, dalawa pang eroplanong pambomba mula sa Guam ang lumipad sa South China Sea. Sa mga araw ding iyon, inihambog ng US Seventh Fleet na nakabase sa Japan, na tatlong submarino nito ang nasa Philippine Sea at nagsasagawa ng pag-eehersisyo.
Noong unang linggo ng Hunyo, ipinagmalaki ng US na tatlong strike group nito ang nagsasagawa ng mga operasyon sa kalawakan ng Indian Ocean at Pacific Ocean. Dalawa sa mga ito, ang USS Theodore Roosevelt strike group, at ang USS Ronald Reagan strike group (mula sa daungan nito sa Japan), na kapwa malalaking barkong de-nukleyar at nagdadala ng di bababa sa 10,000 tropa, ang kasalukuyang nasa Philippine Sea.
Dapat tuligsain ang mga maniobra at kontra-maniobra ng mga pwersang militar ng US at China sa mga karagatang sakop at nasa paligid ng teritoryo ng Pilipinas. Lahat ito’y nagpapatindi ng tensyon at nagtataas ng peligro ng kumprontasyon at pagsiklab ng tuwirang gera sa rehiyon.
Dapat tuligsain ang rehimeng Duterte na sunud-sunuran sa mga dikta kapwa ng mga imperyalistang US at China sa mga usapin sa militar, pulitika at ekonomya. Sa isang panig, bigo itong igiit ang karapatan sa teritoryo at ekonomya ng bansa na kinilala sa desisyon ng International Tribunal on the Law of the Seas noong 2017 nang hayaan nito ang China na magtayo ng mga pasilidad militar sa mga lugar na sakop ng bansa. Sa kabilang panig, patuloy na pinahihintulutan ni Duterte na gamitin ng militar ng US ang bansa bilang lunsaran para sa mga operasyon nito sa South China Sea at Philippine Sea at buong rehiyong Asia-Pacific. Pinahihintulutan rin ang US na magtayo ng mga pasilidad sa loob mismo ng mga kampo ng AFP, kapalit ng mga helikopter at iba pang gamit pandigma para sa gerang mapanupil laban sa mamamayang Pilipino.
Dapat igiit ng bayan ang paglalansag ng lahat ng pasilidad militar ng China sa mga teritoryo ng bansa at bayaran ang pinsala sa yamang-dagat ng Pilipinas. Dapat ding igiit ang pag-alis ng armadong mga barkong Coast Guard at paramilitar ng China.
Kaalinsabay, dapat igiit ng bayan ang ganap na pagbabasura sa Visiting Forces Agreement, sa Enhanced Defense Cooperation Agreement at lahat ng di pantay na kasunduang nagbibigay ng ekstrateritoryal na karapatan sa militar ng US.