Pinakamataas na tantos ng disempleyo sa kasaysayan, naitala
Kabi-kabila ang tanggalan ng daan-daang mga manggagawa sa harap ng pagsasara at pagkalugi ng mga kumpanya bunsod ng krisis na dulot ng halos tatlong buwang lockdown ni Duterte.
Sunud-sunod ang mga kumpanyang nagpabatid na magtatanggal ng mga manggagawa. Kabilang dito ang Bank of Philippine Islands na nagsabing pinagreretiro nila ang 1,286 empleyado nito na may edad 50 pataas.
Balak din tanggalin sa Hulyo ang 1,000 ground crew ng Cebu Pacific na ineempleyo ng 1Aviation Services Corp, matapos tanggalin ang 400 noong Abril. Sisipain naman ang 564 manggagawa sa Philippine Airlines at Air Asia. Mahigit 400 manggagawa naman ng Victory Liner ang tatanggalin. Nag-anunsyo rin ang kumpanyang Okada Manila na magtatanggal ito ng 1,000 manggagawa.
Sa Davao City, tinatayang aabot sa 200,000 manggagawa ang matatanggal sa trabaho dahil sa pagsasara ng mahigit 10,000 kumpanya.
Pinakamalubhang disempleyo sa kasaysayan
Ayon sa Department of Labor and Employment, mahigit 2,000 kumpanya na may kabuuang 69,000 manggagawa ang panimulang naitala na nilang nagsara mula noong lockdown.
Sa sarbey naman ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong Hunyo, pumalo na sa 7.3 ang kabuuang bilang ng walang trabaho sa bansa noong Abril, o 17.7% na tantos ng disempleyo. Mahigit triple ito sa naitalang 2.4 milyong walang trabaho noong Enero.
Subalit ayon sa taya ng Ibon Foundation, nasa 14 milyon ang aktwal na bilang ng walang hanapbuhay o 22% ng kabuuang bilang ng pwersa sa manggagawa, kung bibilangin ang mga “nadismaya na sa paghahanap” at ang mga nawalan ng trabaho sa panahon ng lockdown, na hindi binibilang ng PSA.
Kung susumahin, nasa 20.4 milyon na ang tunay na bilang nang walang hanapbuhay at kulang ng hanapbuhay. Pinakamalala ito sa kasaysayan ng Pilipinas.
Dagdag na pasakit
Sa harap ng tumitinding krisis, inilusot ng rehimen ang pagpapatupad ng dagdag pang mga patakarang neoliberal na higit pang pipiga sa lakas-paggawa ng mga manggagawa at tiyakin ang maksimum na tubo ng mga kapitalista.
Inilabas ng Department of Labor and Employment ang Labor Advisory 17 noong May 16 para pahintulutan ang mga kapitalista na magtanggal ng mga empleyado, magkaltas ng sahod at magtanggal ng mga benepisyo, magbawas ng oras o araw ng trabaho, at magpatupad ng iba pang mga porma ng pleksibleng paggawa tulad ng “work from home” o magtrabaho sa bahay kapalit ng kalahati lamang ng kanilang sahod.
Bago nito, una nang inilabas ng kagawaran ang Department Order 213 noong Mayo 7 na nagsuspinde sa mga inspeksyon sa mga pagawaan, isa sa mga rekisito sa ligtas na pagbubukas ng ekonomya. Sinuspinde din nito ang mga aktibidad na may kaugnayan sa pag-uunyon na epektibong sumikil sa karapatan ng mga manggagawa na magpaabot ng reklamo.
Samantala, naglabas ng pabatid ang Bureau of Internal Revenue para obligahin ang mga manggagawang self-employed o may negosyong online na magrehistro sa ahensya. Tinatayang gagastos ang bawat negosyante ng P2,260 para sa rehistrasyon. Sa bisa nito, istriktong sisingilin ng 20% buwis ang lahat ng kumikita ng higit P20,833 kada buwan. Maraming manggagawa na nawalan ng trabaho sa panahon ng lockdown ang lumipat sa sektor na ito para kumita.