Protesta sa Chile, Lebanon at Hong Kong
Libu-libong taga-Chile ang lumusob sa kapitolyong lunsod na Santiago noong Mayo 18 para iparating ang kanilang galit sa dinaranas nilang gutom at hirap na dala ng lockdown at krisis na dulot ng Covid-19. Kinundena nila ang pagsirit ng presyo ng pagkain at inumin sa bansa na dulot ng arbitraryong lockdown na ipinataw ng estado.
Ilanlibo naman ang nagprotesta sa Beirut, sentro ng Lebanon simula Hunyo 11. Kinundena nila ang pagbulusok ng ekonomya ng bansa at ang higit 70% pagbaba ng halaga ng kanilang salapi. Higit sangkatlo ng mga taga-Lebanon ang walang trabaho ngayon, at pinasidhi pa ng pandemya ang kanilang kalagayan.
Samantala, humugos sa lansangan ang libu-libong residente ng Hong Kong noong Mayo 24 at 27 para tutulan ang resolusyon ng National People’s Congress ng China hinggil sa mga mekanismong ipatutupad para “panatilihin” ang pambansang seguridad ng Hong Kong. Sinalubong ng tear gas at mga gomang punglo ang mga nagprotesta. Pinalalabas ng China na susupilin ng naturang resolusyon ang mga banta tulad ng separatismo, subersyon, pag-oorganisa at pagsasagawa ng mga teroristang aktibidad at “pakikialam” ng dayuhan at pwersang panlabas sa mga usapin ng Hong Kong. Ang totoo, ang lehitimong paglaban ng mga residente para sa sariling paggugubyerno ang susupilin nito.