Sino si Michelle Silvertino?
Isa si Michelle Silvertino sa milyun-milyong Pilipinong nagpasyang maghanap ng trabaho sa ibang bansa para mabuhay ang kanyang pamilya. Nang hindi siya nakaalis, namasukan siya bilang kasambahay sa Metro Manila. Dahil ora-orada ang pagpataw ng lockdown sa Metro Manila, hindi siya nakauwi ng prubinsya. Nang magsimula nang luwagan ang pagbyahe, nagpasya siyang umuwi sa Bicol para makasama ang kanyang apat na anak.
Wala siyang nadatnang bus sa Cubao, Quezon City kaya naglakad siya nang 17 kilometro papuntang Pasay City para doon maghintay. Dahil sa arbitraryo at pabagu-bagong mga desisyon ng IATF, wala rin siyang naabutang bus doon. Dahil walang masakyan papunta kahit saan, sumukob siya sa ilalim ng tulay. Naubos ang kanyang pera at pagkain. Nagkasakit siya sa pangatlong araw, pero sa halip na ospital, dinala siya ng mga pulis sa presinto. Nang makitang may sintomas siya ng Covid-19, inilipat siya sa isang barangay hall. Dahil wala namang tao sa upisina, bumalik si Silvertino sa ilalim ng tulay. Namatay siya sa sumunod na araw (Hunyo 5) at ibinaon sa isang mababaw na libingan. Malinaw na namatay siya sa kriminal na kapabayaan.
Ilang kilometro mula kay Silvertino, mahigit 700 migranteng manggagawa at mga locally stranded individual (LSI) ang tumira din sa ilalim ng isang tulay malapit sa paliparan habang naghihintay ng byahe sa eroplano pauwi sa kani-kanilang mga prubinsya. Nagtiis sila sa kakarampot na pagkain at mga higaan. Nabigyan lamang sila ng atensyon at nailipat sa isang evacuation center matapos inulan ng batikos ang kapabayaan ng gubyerno.
Si Silvertino at ang 700 nanirahan sa paliparan ay ilan lamang sa higit 4.1 milyong naistranded na indibidwal na pinabayaan na lamang ng rehimen. Bukod sa limitado at mabagal na programa ng gubyerno para iuwi ang mga naipit na Pilipino, pinagkakaperahan pa sila sa napakaraming papeles at rekisito ang kinakailangang ihanda ng mga uuwi gaya ng sertipikasyon ng barangay, resulta ng tsek-ap at laboratoryong medikal, ID at travel authorization mula sa pulis.