Tagapagtatag ng CPA, iligal na inaresto
Inaresto ng militar at inilipat sa pamamagitan ng helikopter si Anne Margaret Tauli, 70, mula sa Besao, Mountain Province noong Hunyo 11. Ang biktima, na ilang dekada nang aktibista, ay dinala sa Baguio City kung saan iniharap siya kay National Security Adviser Sec. Hermogenes Esperon, Jr.
Pinalabas ni Esperon na “nagbalik-loob” si Tauli bilang umano’y mataas na upisyal ng Partido Komunista ng Pilipinas. Mariin itong pinasinungalingan ng pamilya ni Tauli.
Anila, matagal nang may banta sa buhay si Tauli dahil sa kanyang pagsusulong sa pakikibaka ng mamamayang Igorot para sa tunay na awtonomiya at sariling pagpapasya. Noong Marso, tinangka siyang arestuhin at mayroong utos na “shoot-to-kill” laban sa kanya.
Si Tauli, dating guro, ay isa sa nagtatag ng Cordillera People’s Alliance noong 1984. Kinikilala siya bilang pinuno ng angkang Batil-ang Peypeyan. Ang kanyang kapatid na si Victoria Tauli-Corpuz, dating UN Special Rapporteur on the Rights of Indigenous Peoples, ay pinararatangan ding mataas na upisyal ng PKP.