“Umiiyak pa rin ako…”
Naiiyak pa rin sa troma ang isa sa 16 na kabataang iligal na inaresto habang nagsasagawa ng mapayapang pagkilos sa Rotonda, Barangay Pala, Iligan City noong Hunyo 12.
Karamihan sa kanila ay dating mga mag-aaral ng Mindanao State University-Iligan Institute of Technology. Tapos na ang kanilang pagtitipon nang harangin sila ng mga pulis. Habang umiiwas, narinig nilang sumigaw ang isang pulis ng “pusila, pusila!” (barilin, barilin!). Sinakal ang isa sa kanila na nagtangkang magpaliwanag. Kinumpiska ang kanilang mga selpon at sapilitang silang dinala sa presinto. Doon, ininteroga, tinakot at malisyosong iniugnay sa Bagong Hukbong Bayan ang apat sa kanila. Napag-alaman ng kabataan ang lalim ng sarbeylans ng mga pulis sa kanilang mga aktibidad sa proseso ng interogasyon.
Pitong oras silang ibinimbin sa presinto bago sila mapalaya ng kanilang mga abugado. Bahagi ang kanilang pagkilos sa koordinadong “mañanita” laban sa Anti-Terror Bill.