8 magsasaka, pinaslang sa loob ng 8 araw
Walong magsasaka ang magkakasunod na pinaslang ng mga armadong elemento ng rehimen sa loob lamang ng walong araw. Lahat ng mga biktima ay malisyosong inakusahang mga kasapi o may kaugnayan sa Bagong Hukbong Bayan (BHB).
Pinaslang si Jose Jerry Catalogo, upisyal ng National Federation of Sugar Workers ng mga ahente ng estado bandang alas-5 ng umaga noong Hunyo 23. Nagpapakain noon ng kalabaw ang biktima nang siya ay pagbabarilin sa labas ng kanyang bahay sa Barangay Paitan, Escalante City, Negros Occidental. Bago ang pagpaslang, naiulat na ipinaiilalim sa pagmamanman si Catalogo.
Sa Northern Samar, inistraping ng 20th IB ang bahay ng magsasakang si Zaldy Meraya sa Palapag, Northern Samar noong Hunyo 20. Namatay sa insidente si Meraya at kanyang kasamahang si Bebe Tobino. Sugatan naman ang kanyang anak na si Jolina Calot na kasapi ng League of Filipino Students, kanyang asawa at isa pa niyang anak.
Sa Albay, pinsalang ng hinihinalang mga pulis ang mga aktibistang sina Elder Moina at Jose Arthur Clemente sa Barangay San Isidro, Jovellar noong Hunyo 24. Dati nang nakatanggap ng banta sa buhay ang dalawa.
Sa Masbate, pinagbabaril ng mga pulis sina Rogen Orcales Languido, Danny Boy Tibay Pepito, Sr., at menor-de-edad na anak sa Barangay Mahayahay, Placer noong Hunyo 17. Niransak ng mga pulis ang bahay ng mga biktima at nagnakaw ng isang selpon.
Pag-aresto. Inaresto ng mga pulis ang pitong Lumad sa Barangay Blanco, Balingasag, Misamis Oriental noong Hunyo 26. Sila ay mga kasapi ng Kalumbay Lumad Organization na tumututol sa mapandambong na operasyong mina, pagtotroso at ekoturismo sa Mt. Balatukan.
Sa Negros Oriental, apat na residente ang dinakip ng 62nd IB sa Barangay Luz, Guihulngan City noong Hulyo 4. Binugbog ang mga biktima at inakusahang sangkot sa opensiba ng BHB noong Hulyo 2.
Pamimilit. Sapilitang pinagiya ng 4th MBLT at 18th SFC ang dalawang menor-de-edad na Palaw’an sa 3-linggong operasyong militar nila sa Palawan noong nakaraang buwan. Sinaklaw ng operasyon ang anim na barangay sa mga bayan ng Brooke’s Point, Rizal at Bataraza.
Kinontrol ng mga sundalo ang kilos ng mga magsasaka at pinigilan silang pumunta sa bukid.
Sa Barangay Aribungos, Brooke’s Point, niransak ng mga sundalo ang mga kabahayan at sinira ang pananim ng mga residente. Napilitang lumikas ang 10 pamilyang Palaw’an dahil sa operasyon.