Asahan ang mas masahol na brutalidad ng 901st IBde sa Caraga

,

Ibayong karahasan at paglabag sa karapatang-tao ang daranasin ng mga Caraganon sa paglipat ng berdugong 901st IBde, na pinamumunuan ni Brig. Gen. Gabriel Viray, sa ilalim ng 4th ID. Inianunsyo ng militar ang pagdeploy sa brigada noong Hunyo 16, alinsunod sa target ni Duterte na “tapusin” ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa taong 2022. Nakatakdang mag-operasyon ang brigada sa Surigao del Norte at kanugnog nitong mga prubinsya.

Sa isang pahayag, inutusan ng kumander ng 4th ID na si Maj. Gen. Andres C. Centino ang brigada na “durugin ang BHB” sa rehiyon na aniya’y “nasa bingit na ng hindi mapipigilang pagbagsak.” Ang deklarasyong ito rin ang sinambit ng nagdaang mga rehimen nang ideploy ng mga ito ang 901st IBde sa Cotabato, Albay at Catanduanes kung saan ay nabigo ang brigada na durugin ang hukbong bayan. Ang 901st IBde ay notoryus sa pagtarget sa mga sibilyan at paghahasik ng pasistang teror, lalo na laban sa mga magsasaka at aktibista upang patahimikin sila at supilin ang kanilang paglaban.

Sa pagpakat nito sa rehiyon ng Caraga, tiyak na mas masasahol na krimen ang isasagawa nito.

Kabilang sa pinakamasahol na krimen ng 901st IBde ang magkasunod na pagpaslang ng mga tropa nito sa anim na magsasaka sa Albay noong Enero 2010. Dalawa sa mga biktima nito ang pinugutan ng ulo, isa ang sinunog at isa pa ay nilaslasan ng leeg.

Ngayong taon sa Cotabato, nagpakana ang 901st IBde ng mga seremonya para sa peke at malakihang pagsusurender ng mga sibilyan upang palabasing napagtatagumpayan nito ang gera laban sa BHB sa Southern Mindanao at maibulsa ng mga upisyal ang malaking pondo para sa E-CLIP. Noong Marso, ipinarada ng brigada ang hindi bababa sa 28 sibilyan na anila’y mga “nagbalik-loob” na Pulang mandirigma at “nakatanggap” sa kabuuan ng ₱3.7 milyon.

Asahan ang mas masahol na brutalidad ng 901st IBde sa Caraga